Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez: Pagpasa ng 13  priority bills ni PBBM suportado sa Kamara

95 Views

SUPORTADO ng iba’t ibang partido politikal sa Kamara de Representantes ang pag-apruba sa nalalabing 13 panukalang batas na nais bigyang prayoridad ng administrasyong Marcos.

Inihayag ang suporta na ipasa ang mga panukala bago ang sine die adjournment sa Hunyo 2 sa isinagawang pagpupulong ng mga lider ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), PDP-Laban, Nacionalista Party (NP), National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), at Party-list Coalition Foundation, Inc. (PCFI).

Ang pagpupulong ay pinangasiwaan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na siya ring presidente ng Lakas-CMD.

“We will try to achieve that objective on a best-effort basis. The bills on deck will complement those that we have already passed and which support the Agenda for Prosperity and eight-point socio-economic roadmap of President Ferdinand Marcos Jr.,” ani Speaker Romualdez.

Sina Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., at Reps. Johnny Pimentel ng Surigao del Sur at Rida Robes ng San Jose City ang kumatawan sa PDP-Laban sa naturang pagpupulong.

Ang NP naman ay nirepresenta nina Reps. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ng Romblon, Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte at Janette Garin ng Iloilo.

Humarap naman para sa NPC sina Quezon Rep. Mark Enverga at Ilocos Sur Rep. Kristine Meehan Singson at ang NUP nina Antipolo City Rep. Robbie Puno at Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte.

Si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, ang pangulo ng PCFI, ang humarap para sa kanyang grupo.

Dumalo rin sa pagpupulong sina Navotas Rep. Toby Tiangco, BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co, at Bicol Saro Party-list Rep. Brian Yamsuan.

Ipinatawag ni Speaker Romualdez ang all party caucus matapos nitong ihayag na dinagdagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ang listahan ng priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at hiniling sa kanyang mga kapwa mambabatas na epektibong gamitin ang nalalabing oras bago ang sine die adjournment upang marami pang magawa.

Ayon kay Deputy Speaker Gonzales positibo ang tugon ng kanilang partido sa apela ni Speaker Romualdez.

“We hope we could do it in the short time we have before our annual mandatory adjournment. We are ready to go the extra mile to accomplish the task,” ani Gonzales.

Sinabi naman ni Barbers na makabubuti kung agad na maipapasa ang mga panukala na tinukoy ni Pangulong Marcos dahil makatutulong ito sa pagbibigay ng maayos na buhay sa mga Pilipino.

Nauna ng sinabi ni Speaker Romualdez na dinagdagan ni Pangulong Marcos ng 11 ang LEDAC priority bills o mula 31 ay umakyat na sa 42 ang kabuuang bilang nito.

Anim sa 11 panukala: Bureau of Immigration Modernization, Infrastructure Development Plan/Build Build Build Program, Philippine Salt Industry Development Act, Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS), National Employment Action Plan, at amyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act ay nakasalang na sa mga komite.

Lima naman sa 11 bagong LEDAC priority: amyenda sa AFP Fixed Term Bill, Ease of Paying Taxes, Maharlika Investment Fund, Local Government Unit Income Classification, at amyenda sa Universal Health Care Act, ay naaprubahan na ng Kamara at naipadala na sa Senado.

Sa orihinal na 31 LEDAC priority, 24 na ang naaprubahan ng Kamara kasama dito ang House Bill (HB) No. 7751, o ang panukalang Department of Health Specialty Centers in Hospitals Act na tinapos ng Kamara noong Lunes.

Ang pitong nalalabing panukala mula sa orihinal na 31 LEDAC priority: batas para sa natural gas industry, National Land Use Act, Department of Water Resources and Services at paglikha ng Water Regulatory Commission, Budget Modernization Act, National Defense Act, amyenda sa Electric Power Industry Reform Act, at Unified system of separation, retirement, and pension for uniformed personnel ay nakasalang na sa mga komite ng Kamara.