Magsino

Reporma sa BI para masugpo ang illegal recruitment at human trafficking iginiit ng OFW Party List Group

Mar Rodriguez May 16, 2023
182 Views

BINIGYANG diin ng One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Group sa Kongreso na panahon na para ikasa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang reporma sa Bureau of Immigration (BI) upang sugpuin ang talamak na kaso ng illegal recruitment at human trafficking.

Sa pamamagitan ng kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara de Representantes, sinabi ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na kailangan ng isulong ang reporma sa BI kasunod ng lumalalang kaso ng illegal recruitment at human trafficking sa bansa.

Sinabi ni Magsino sa kaniyang talumpati na ang illegal recruitment at human trafficking ay kasalukuyang ginagamitan na ngayon ng mga makabagong teknolohiya para maisagawa ang nasabing modus-operandi. Kung saan, lalong mas maraming mga Pilipino ang nagiging biktima ng ganitong kalakaran.

Idinagdag pa ni Magsino na mas lalo pa aniyang lumala ang nasabing problema dahil na rin sa pakikipagsabwatan ng mga tiwaling tauhan ng Immigration Department at mga illegal recruiters at human traffickers, batay na rin sa impormasyong ibinigay ng mga naging biktima ng modus operandi.

“We have a bigger fight now against illegal recruiters and human traffickers. Thus, the need to reform our policies on departure formalities being enforced by the Bureau of Immigration. Higit dito, kailangan linisin ng BI ang kanilang hanay laban sa mga ilang tauhan nila,” sabi ni Magsino sa kaniyang talumpati.

Sinabi din ni Magsino na lalong nagiging mahirap umano ang pagsugpo sa palasak na kaso ng illegal recruitment at human trafficking sapagkat kung sino pa aniya ang dapat sana’y kaagapay ng gobyerno para labanan ang nabanggit na problema ay siya pa ang kasapakat ng mga sindikato.

Ang tinutukoy ng kongresista ay ang mga walang konsensiya o “unscrupulous” na tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nanghihingi at nangingikil ng pera sa mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) para lamang huwag silang maharang o pigilan papalabas ng Pilipinas.

“Off-loading at the immigration makes OFW’s spend more, especially if they have to rebook their tickets and other reservations altogether. Most importantly, these unreasonable restrictions or their abusive implementation violate OFW’s right to travel and work abroad,” sabi pa ni Magsino.