Magsino

OFW Party List Group nananawagan sa DFA at DMW na aksiyunan agad ang kaso ng 5 nawawalang Pilipinong tripulante sa Indian Ocean

Mar Rodriguez May 19, 2023
178 Views

NANANAWGAN ang One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Group sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na aksiyunan agad ang kaso ng limang nawawalang Pilipino sakay ng lumubog na Chinese fishing vessel na naganap sa Indian Ocean noong May 17.

Iminumungkahi din ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na kailangang makipag-ugnayan ang DFA at DMW sa pamilya ng limang nawawalang Pilipinong tripulante kasama na dito ang mga Chinese authorities upang malaman ang mga kasalukuyang update sa kasong ito.

Kasabay nito, umapela din si Magsino sa pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) upang makipagtulungan na rin sila sa mga Chinese authorities sa paghahanap ng mga nawawalang 39 crew ng Chinese fishing vessel kabilang na dito sa bilang ang limang Pilipinong tripulante.

Sinabi pa ni Magsino na napakahalagang mabigyan aniya ng pinakahuling update ang pamilya ng nawawalang limang Pilipino upang huwag maibsan ang labis nilang pag-aalala sa kalagayan ng kanilang mahal sa buhay.

“I am urging the Philippine Coast Guard (PCG) as well as the Philippine Navy (PN) to immediately provide any assistance to the search and rescue operations of these five missing Filipinos,” ayon kay Magsino.