Barzaga

Barzaga ikinagalak recommendation na magsagawa ng pre-shipping inspection vs agri smuggling

Mar Rodriguez May 29, 2023
180 Views

IKINAGALAK ng isang Southern Tagalog congressman ang naging recommendation ng Swiss company na Societe Generale de Surveillance SA O SGS na magsasagawa sila ng “pre-shipping inspections” para masagkaan ang malawak at palasak na smuggling ng mga agricultural foods sa Pilipinas.

Sinabi ni Cavite 4th Dist. Congressman Elpidio “Pidi” F. Barzaga, Jr. na maituturing na isang epektibong hakbangin ang pina-planong “pre-shipping inspection” ng SGS laban sa talamak na smuggling. Sapagkat una na itong ipinatupad noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

“This proposal bodes well for President Bongbong’s administration because it yielded positive results in the past under the first Marcos administration,” paliwanag ng kongresista.

Nabatid pa kay Barzaga na nagkaharap kamakailan sina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at SGS Vice-President George Bottomley kasama ang local managing director ng ahensiya na si Cresenciano Maramot. Kung saan, napag-usapan nila ang pagsasagawa ng inspection sa mga agricultural products.

Ayon kay Barzaga, nabanggit ng Pangulong Marcos, Jr. na pag-aaralan nito ang panukala o proposal ng SGS upang matiyak na hindi maipapasa sa mga consumers ang anomang pasanin sakaling tanggapin ng pamahalaan ang inaalok na serbisyo ng SGS laban sa malawak at talamak na smuggling.

“That’s a good move. It makes a lot of sense because there will practically be no interference from the Bureau of Customs anymore. Kung halimbawa ang shipment galing sa China. Sa China pa lang ini-inspection na ng SGS bago isakay. Saka bibigyan ng clearance kaya pagdating nito sa Pilipinas wala na. release na lang ng release,” dagdag pa ni Barzaga.

Binigyang diin naman ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V na malaki aniya ang maitutulong ng SGS at kanilang panukala para labanan ang laganap at palasak na smuggling sa Pilipinas sa pamamagitan ng ikakasang pre-shipping inspection.

Sinabi ni Dy na malabong makalusot at makapag-operate ang mga smugglers ng mga agricultural products sapagkat ang mga shipment sa bansang pinanggalingan at pinagmulan nito ay nagkakaroon na ng actual inspection.

Ipinaliwanag pa ni Dy na sa ganitong proseso ay hindi rin maaaring makia-alam ang taga-BOC dahil pagdating aniya nito sa Pilipinas ay diretso na agad pag-release ng mga kargamento alinsunod sa ibinigay na clearance ng SGS. Kaya talagang hindi umano makaka-porma ang mga smugglers.

Ayon sa kongresista, ang panukalang ibinigay ng SGS ay isang mabisa o epektibong solusyon laban sa malalang problema ng bansa sa laganap na smuggling ng mga produktong agrikultura na lalong nagpapahirap sa mamamayan partikular na sa mga magsasaka at mga negosyante.