Barko ng Japan, US na sasali sa trilateral maritime exercise nasa bansa na

131 Views

DUMATING na sa Pilipinas ang dalawang barko ng Japan Coast Guard (JCG) at United States Coast Guard (USCG) na lalahok sa kauna-unahang trilateral maritime exercise kasama ang Philippine Coast Guard (PCG).

Sinalubong ng mga Coast Guardians ang Akitsushima (PLH-32) at USCGC Stratton (WMSL-752) sa Port Area, Maynila umaga ng Hunyo 1.

Pinangunahan nina CG Captain Antonio Sontillanosa (Commanding Officer ng BRP Melchora Aquino), Captain Toru Imai JCG (Commanding Officer ng Akitsushima), at Captain Brian Krautler USCG (Commanding Officer ng Stratton) ang pormal na pagsisimula ng isang linggong PCG-JCG-USCG KAAGAPAY TRILATERAL EXERCISE 2023.

Nakasentro ang mga gagawing aktibidad sa mga mandato ng Coast Guard tulad ng maritime law enforcement, maritime security, maritime safety, maritime search and rescue, at marine environmental protection.

Magkakaroon din ng oportunidad ang mga kababaihan ng PCG, USCG, at JCG para pag-usapan ang mahalagang responsibilidad na kanilang ginagampanan sa pagtataguyod ng maritime law enforcement.