Hanep sa performance: Speaker Romualdez kinilala sa natatanging pamumuno sa Kamara

138 Views

KINILALA ng Kamara de Representantes si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa natatangi nitong pamumuno na nagresulta sa pagpasa ng mga mahahalagang panukalang batas na makatutulong sa pag-unlad ng bansa.

Pinagtibay ng Kamara ang House Resolution (HR) No. 1055 na akda nina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe at Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan na kumikilala sa “exceptional, reformative, effective leadership” ni Speaker Romualdez.

Ang kasipagan at kahanga-hangang pagtitiwala umano ni Speaker Romualdez ay nagtulak sa mga miyembro ng Kamara de Representantes upang magtrabaho na nagresulta sa magandang performance ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa unang regular session ng 19th Congress.

Binigyan umano ng atensyon ng lider ng Kamara ang proseso ng lehislatura at sumunod ng may paggalang sa mga patakaran para sa maayos na talakayan at nagsilbing kampeon ng mga miyembro upang maihayag ng mga mambabatas ang boses ng kanilang mga constituent.

Ayon sa resolusyon, sa unang regular session ay pinagtibay ng Kamara ang 91 resolusyon at naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang 447 panukalang batas na karamihan ay nakabinbin ngayon sa Senado. Sa mga ito, 123 ang national bills.

Sa mga naipasang panukala ng Kamara, anim na ang naging batas. Kasama rito ang Republic Act No. 11934 (Subscriber Identity Module Registration Act), Republic Act No. 11936 o ang 2023 General Appropriations Act, Republic Act No. 11937 na nag-aamyenda sa batas kaugnay ng fixed term ng mga piling opisyal ng Armed Forces of the Philippines upang mas maging propesyonal ang Sandatahang Lakas.

Isa pang panukala, ang pagpapatawad sa utang at interes ng utang ng mga agrarian reform beneficiaries ay natapos na ng Kongreso at naipadala na sa Malacañang para sa pirma ng Pangulo upang ito ay maging batas.

Sinabi rin sa resolusyon na naaprubahan na ang Kamara ang 33 sa 42 priority bills ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino at ng bansa.

Kasama sa mga panukalang ito ang Ease of Paying Taxes Act, Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act, Real Property Valuation and Assessment Reform Act, Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery Act, Maharlika Investment Fund Act, 30-year National Infrastructure Program Act, Public-Private Partnership Act, National Land Use Act, Tax Amnesty Act, Magna Carta of Filipino Seafarers, Internet Transaction Act, Philippine Passport Act, Speciality Centers in Hospitals, Bureau of Immigration Modernization Act, National Government Rightsizing Program, at Philippine Salt Industry Development Act.

Kung susumahin, nakapagproseso umano ang Kamara ng 30 panukala kada sesyon sa katatapos na unang regular session ng 19th Congress kung kailan umabot sa 8,426 panukala at 1,089 resolusyon ang naihain.

Kinilala rin ng resolusyon ang naging papel ni Speaker Romualdez kaya naitayo ang “E-Congress,” isang digital collaboration ng Kamara at Senado upang maipabatid ang kanilang ginagawa sa publiko at mahikayat ang mga ito na lumahok sa paggawa ng batas.

Nabanggit din sa HR 1055 ang mga hakbang na ginawa ni Speaker Romualdez upang mareporma ang economic provision ng Konstitusyon na makahihikayat sa mga dayuhang mamumuhunan na piliin ang Pilipinas partikular ang pagpasa ng Resolution of Both Houses No. 6 at House Bill (HB) No. 7352 o ang Constitutional Convention Act.

Pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang inisyatiba ng Kamara upang maimbestigahan ang labis na pagtaas ng presyo ng sibuyas na nagresulta sa pagkakadiskubre sa kartel na nasa likod nito.

Bilang pagkilala sa mga Muslim, naglagay din si Romualdez ng prayer room sa isa sa mga gusali ng Kamara upang mayroon mapuntahan ang mga ito para makapagdasal.

“Consistent with his innate compassion toward improving the plight of the disadvantaged and vulnerable, Speaker Romualdez, through his focused, purpose-driven and uncompromising leadership, steered the House of Representatives to respond to the call of small entrepreneurs, workers, women, students and teachers, health care workers and uniformed personnel,” sabi sa resolusyon.

“Speaker Romualdez deserves the highest praise and appreciation for the impressive roster of achievements presented by the House of Representatives during the First Regular Session of the Nineteenth Congress, which is a testament to his outstanding leadership, integrity, patriotism, and sense of commitment,” sabi pa sa resolusyon.