Madrona

Price control sa tourism-related products pag-aaralan ng House Committee on Tourism

Mar Rodriguez Jun 13, 2023
138 Views

UPANG magkaroon ng “standard price” sa presyo ng mga “tourism souvenir products”. Nakasalang sa House Committee on Tourism ang isang resolution na humihiling na pag-aralan ang pagpapataw ng price control sa lahat ng mga tourism-related products kabilang na dito ang pagkain at iba pa.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Tourism Committee, na hinihiling ng Resolution No. 431. sa Department of Tourism (DOT), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Transportation (DOTr) at mga lokal na pamahalaan na pag-aralan ang posibilidad na pagpapataw ng price control sa mga nasabing produkto.

Ipinaliwanag ni Madrona na sa loob ng napaka-habang panahon, malaking revenue umano ang nakukuha ng pamahalaan mula sa turismo na nagpapa-unlad naman sa ekonomiya ng Pilipinas.

Kabilang na dito ang pagkakaroon ng maraming trabaho at pagpapaunlad sa mga infrastructure projects.

Ipinabatid pa ni Madrona na mahalagang papel din ang ginagampanan ng tourism sector sa ekonomiya ng Pilipinas na makikita aniya sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na noong 2019 nakapag-ambag ang Philippine tourism ng 12% ng kanilang Gross Domestic Products (GDP) at nakapagbigay ng 5.7 milyong trabaho sa pareng taon (2019).

Bukod dito, binigyang diin pa ni Madrona na ang sector ng turismo ang pangunahing pinagkukuhanan o major source of employment matapos mapa-ulat na 1 mula sa 10 employed Filipinos ang nagta-trabaho sa mga tinatawag na tourism-related businesses gaya ng mga souvenir shops, museum at iba pa.

Sa kabila nito, sinabi pa ng kongresista na ang kadalasang inirereklamo ng mga lokal at dayuhang turista o travelers ay ang napaka-mahal o inflated tourist price katulad ng pagkain at ilang souvenir items na masyadong sinasamantala ng mga may-ari dahil gusto umano nilang kumita ng malaki sa mga bumibisitang turista.

Binigyang diin pa ni Madrona na ang mga overpriced food tulad ng nangyaring insidente sa Virgin Island ay hindi naghihikayat sa mga lokal at dayuhang turista. Bagkos ay lalo nitong itinataboy ang mga local at foreign visitors na nagnanais bumisita sa iba’t—bang lugar sa Pilipinas.

Dahil dito, iginigiit ng mambabatas na kailangan ng manghimasok ang pamahalaan sa isyung ito para resolbahin sa lalong madaling panahon ang naturang problema upang magkaroon ng price ceiling kabilang na dito ang transportation, pagkain, accomodations, hospitality service at iba pa.