Calendar
Manila congressman nagbabala sa isasagawang mass layoff ng GRAB Philippines
NAGBABALA ang isang Manila congressman at Chairman ng House Committee on Metro Manila Development laban sa GRAB Philippines kaugnay sa napabalitang isasagawa nitong “mass layoff” o malawakang pagbabawas ng mga tao na tinawag nitong walang habas at walang pakundangan.
Sa panayam ng People’s Taliba, binigyang diin ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando M. Valeriano, Chairperson ng Committee on Metro Manila Development, na kailangang bigyan ng babala ang GRAB Philippines patungkol sa napaulat na gagawin nitong mass layoff o pagtatanggal ng tinatayang nasa 10,000 empleyado nito.
Naniniwala si Valeriano na mistulang nagte-tengang kawali at dine-dedma lamang ng nasabing kompanya ang mga batas ng Pilipinas o Philippine law sapagkat makailang ulit na aniya itong na-penalize o pinatawan ng parusa ng Philippine Competition Commission (PCC).
Gayunman, sinabi ni Valeriano na sa kabila nito. Patuloy parin umano ang GRAB Philippines sa mga walang pakundangang mga gawain nito kabilang na dito ang napaulat na isasagawa nitong mass layoff na inaasahang makaka-apekto sa 10,000 empleyado na mawawalan ng trabaho.
Aminado ang Manila solon na bagama’t prerogative at management decision ang gagawing mass layoff ng naturang kompanya. Subalit kinakailangan parin silang balaan sa magiging epekto nito sa kabuhayan at kapakanan ng napakaraming empleyado na matatanggal sa kanilang trabaho.
Ipinaliwanag din ni Valeriano na patuloy na sinisilip at binubusisi ng kaniyang Komite ang iba pang violations o paglabag ng GRAB Philippines kasama na sa kanilang sinisiyasat ay ang “price surging” o masyadong mataas na paniningil ng pamasahe sa kanilang mga costumers.
“GRAB Philippines should be warned on some of its wanton business decisions. The Philippine Competition Commission (PCC) had penalized GRAB for a couple of times already. Our committee is looking into other possible errors of GRAB committed in price-surging as sole TNVS player,” Sabi ni Valeriano.
Kasabay nito, nagpahayag din ng labis na pagkadismaya si Valeriano dahil sa makailang ulit na inisnab at binalewala ng GRAB Philippines ang paanyaya ng House Committee on Metro Manila Development upang dumalo ang nasabing kompanya sa kanilang pagdinig.