OFW Party List

Gov’t probe sa kaso ng 2 Pinay na illegal na inabuso sa Malaysia, hiniling

Mar Rodriguez Jul 9, 2023
503 Views

OFW Party List OFW Party List NANANAWAGAN si OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para magkaroon ng masusing imbestigasyon ang pamahalaan kaugnay sa kaso ng dalawang Pilipina na illegal na ni-recruit at inabuso sa bansang Malaysia.

Bilang Chairwoman ng Anti-Trafficking OFW Movement (ATOM), umaapela si Congresswoman Magsino kay Pangulong Marcos, Jr. para magkaroon ng isang malalimang pagsisiyasat ang gobyerno sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) patungkol sa nasabing kaso.

Binigyang diin ni Magsino na napakahalagang mapanagot at masampahan ng karampatang kaso ang mga itinuturing na salarin sa kaso ng dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) na illegal na ni-recruit at nakaranas pa ng pang-aabuso sa kamay ng kanilang employer sa Malaysia.

Dahil sa kasong ito, sinabi pa ni Magsino na pinatutunayan lamang nito na magpa-hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang kalakaran ng illegal recruitment at human trafficking. Kung saan, kinakailangan talagang magkaroon ng mas mahigpit na batas para ma-protektahan ang mga OFWs.

Ipinaliwanag din ni Magsino na ang mapait na kapalaran ng dalawang OFWs sa Malaysia ay isang maliwanag na indikasyon na hangga’t nananatili ang illegal recruitment at human trafficking ay hindi magiging ligtas ang mga Pilipinong nagna-nais mag-trabaho sa ibayong dagat.

Ayon sa OFW Party List Lady solon, lumabas sa record kamakailan na 6,000 indibiduwal ang sinasabing naging biktima ng illegal recruitment at human trafficking sa unang dalawang buwan ng 2023. Kabilang na dito ang dalawang OFWs sa Malaysia na sinamantala ang paghahanap nila ng trabaho.

Sabi ni Magsino: “The twin menace of illegal recruitment and human trafficking pose significant threat to Filipinos particularly our OFWs. Recent records indicate that around 6,000 individuals were suspected victims of these crimes in the first two months of 2023. The OFWs from Malaysia are among those victims.
Ipinabatid din ng kongresista na sa pagbubukas ng 2nd Regular Session ng Kamara de Representantes, tututukan aniya nito ang isinulong niyang House Bill No. 7865 o ang Anti-Illegal Recruitment Act of 2023.

Samantala, nagdaos ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3 sa pangunguna ni OWWA Region 3 Regional Director Atty. Falconi “Ace” V. Millar ng “World OFW Family Circle Children’s Day” noong nakaraang July 08, 2023 para bigyang saya ang anak ng mga OFWs na taga Pampanga.