Calendar
2 housing project sa CamNorte pinasinayaan
PINASINAYAAN ang dalawang housing project sa Camarines Norte sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pinangunahan nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar at Camarines Norte Gov. Ricarte Padilla ang groundbreaking ceremony ng mga proyekto sa bayan ng Vinzons at Mercedes.
Nasa 4,000 pamilya umano ang makikinabang sa housing project na itatayo sa Camarines Norte.
“This is another solid testament of the continuing nationwide roll out of the President’s Pambansang Pabahay,” ani Secretary Acuzar. “This signals the start of our close collaboration to help CamNortenos realize their dream of owning decent yet affordable shelters.”
Pinasalamatan naman ni Governor Padilla si Pangulong Marcos at ang administrasyon nito sa pangangalaga sa mga CamNorteno.
Ang Mercedes housing project, na matatagpuan malapit sa Bagasbas Beach ay nasa ilalim ng Social Housing Finance Corporation, isang ahensya ng DHSUD. Itatayo rito ang 34 na tig-apat na palapag na gusali.
Magtatayo naman ng 18 na tig-apat na palapag na gusali sa Vinzons project.
Target ng administrasyong Marcos na makapagtayo ng 1 milyong bahay kada taon sa loob ng anim na taon bilang tugon sa housing backlog ng bansa.