Medina

2 ‘mandurukot’, isa pa ‘sinalvage’, itinapon sa QC

410 Views

TATLONG lalaki na biktima umano ng summary execution ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City, nitong
Biyernes ng madaling araw.

Inilarawan ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Remus B. Medina ang unang natagpuang bangkay nasa edad 30 hanggang 35, may taas na 5’1, nakasuot ng black T-shirt na may naka- print na MACBETH, nakamaong na pantalon, nakasuot ng gray rubber shoes at itim na medyas, habang ang ikalawa ay nakasuot ng gray polo shirt, black pants, tsinelas, at ang pangatlo ay nakasuot ng puting t-shirt, maong pants, at puting rubber shoes.

Sa report ni PCpl Jerome Mendez, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, unang natagpuan ang bangkay ng biktima bandang 1:00 ng madaling araw (February 25), sa 11th St., sa kanto ng Broadway Ave., Brgy. Mariana New Manila, QC, na may saksak sa kaliwang dibdib at may laslas sa kanang pulso.

Bandang 1:43 ng madaling araw (February 25) ay natagpuan naman ang sinasabing mga salvage victims na kapwa duguang nakahandusay sa bangketa ng Malasimbo St., Brgy. Masambong, at kapwa may marka nang pagkakasakal sa leeg at mga saksak ng patalim sa dibdib.

Nasa tabi ng mga bangkay ang dalawang cardboard na may nakasulat na “MANDURUKOT HUWAG TULARAN.”

Hinala ng mga awtoridad na posibleng pinatay sa ibang lugar ang mga biktima at saka itinapon sa nasabing barangay.

Nagsasagawa na nang masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo upang makilala ang mga salarin.