Solon hindi nagustuhan ang mahalay na eksena nina Vice-Ganda, Ion Perez

Mar Rodriguez Jul 31, 2023
147 Views

MASYADONG napaka-halay at hindi angkop na gawin nila ang ganoong kalaswaan sa harapan pa mismo ng mga bata at libo-libong manonood”.

Ito ang naging impression at reaction ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, kaugnay sa mahalay na eksenang ginawa nina Vice-Ganda at Ion Perez sa “Isip Bata”segment ng “It’s Showtime” habang kumakain ang dalawang TV host ng icing cake gamit ang kanilang mga daliri na lantarang umanong magpapakita ng labis na kalaswaan.

Dahil dito, binigyang diin ni Congressman Valeriano na hindi akma ang naging aksiyon o actuations nila Vice-Ganda at Ion Perez. Sapagkat ginawa nila ang malaswang eksena sa harapan pa mismo ng mga bata at libo-libong televiewer.

Kung saan, sinabi ni Valeriano kitang-kita sa harap ng mga audience at televiewers ang pagsubo ng dalawang host ng icing cake sa kanilang bibig gamit ang kanilang mga daliri, kasabay naman ng pagtirik kunwari ng kanilang mga mata na mistulang nagbibigay aniya ng isang mahalay na kahulugan na hindi angkop na makita ng mga bata.

Ayon kay Valeriano, hindi na kailangan umanong magmaang-maangan pa ng nina Vice-Ganda at Ion Perez sapagkat batid nila sa kanilang mga sarili kung ano ang ibig ipakahulugan ng kanilang naging aksiyon o pagkilos (mahalay na pagsubo ng icing cake) na isang sensitibong bagay na hindi dapat makita ng mga televiewers partikular na umano ang mga bata at mga menor de edad.

Iginiiit ni Valeriano na bilang mga public personalities, hindi aniya dapat malimutan nina Vice-Ganda at Ion Perez ang kanilang mga boundaries lalo na kapag nasa harapan sila ng maraming manonood.

Sinabi pa ni Valeriano na dapat maging responsable sina Vice-Ganda at Ion Perez sa kanilang mga aksiyon sa harapan ng camera lalo pa’t ang kanilang TV show ay napapanood sa primetime kung saan napakarami ang nanonood bata man o matatanda.

“Hindi dapat makalimot ang public personalities ng kanilang boundaries. They must set the highest moral standards when on public channel. Especially on primetime or when children can watch. Dapat ilugar din nila,” sabi ng mambabatas.

Bukod dito, ipinaliwanag din ng kongresista na kailangang itakda o i-set din ng dalawang TV host ang mataas na moral standards o highest moral standards kapag sila ay nagpe-perform sa harap ng libo-libong manonood. Habang may mga bata din ang nakakapanood sa kanila sa kanilang palabas kaya dapat lamang na maging mainga sila sa kanilang mga ikinikilos sa harap ng camera.

Muling binigyang diin pa ni Valeriano na hindi lamang basta mapapanood ang episode ng It’s Showtime sa telebisyon. Bagkos ay maaari narin itong mapanood sa pamamagitan ng social media. Kung kaya’t mas marami pang tao ang makakapanood ng mahalay na eksenang ginawa nina Vice-Ganda at Ion Perez.

“Let us also not forget that as soon as shown. The copy of the show circulates and is accessible anytime, no longer limited to only an audience group. Children and minors can access in media platform,”ayon kay Valeriano.