Madrona

House Committee on Tourism back to work

Mar Rodriguez Aug 7, 2023
269 Views

NAKATAKDANG simulan ng House Committee on Tourism ang kauna-unahang pagdinig nito matapos ang pagbubukas ng 2nd Regular Session ng Kamara de Representantes upang talakayin ang mga panukalang batas para sa pagpapalakas at pagpapayabong ng turismo ng Pilipinas.

Ito ang napag-alaman ng People’s Taliba mula sa tanggapan ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairperson ng Committee on Tourism, na magsisimula na sa darating na Miyerkules (Aug. 9, 2023) ang unang meeting ng Komite para talakayin ang mga nakahaing panukala na naglalayong mas palakasin ang Philippine tourism.

Ayon kay Mr. Johnny Santos, Special Assistant at Confidante ni Congressman Madrona, na labing apat na panukala ang tatalakayin ng Komite. Ang ilan dito ay naglalayong ideklara bilang “tourist destination” ang isang partikular na lalawigan kabilang na ang pagsasa-ayos ng kalsada patungo dito.

Kabilang sa mga panukalang batas na unang tatalakayin o didinggin ng Committee on Tourism ay ang House Bill No. 6727 na inihain ni North Cotabato 3rd Dist. Congresswoman Ma. Alana Samantha T. Santos para mai-dekalara ang ipinagmamalaki nilang Malagap Underground River sa Barangay Malagap sa lalawigan ng Cotabato bilang tourist spot.

Bukod dito, nabatid din ng People’s Taliba mula kay Mr. Santos na kabilang sa mga panukalang batas na tatalakayin ng Komite ay ang House Bill No. 6729 na isinulong din ni Congresswoman Santos na naglalayong mai=deklara bilang tourist spot ang Mount Kituved sa Barangay Bentangan sa lalawigan ng Cotabato.

Nakasalang din ang House Bill No. 6808 na inihain naman ni Binan City Lone Dist. Congresswoman Marlyn “Len” B. Alonte para mai-deklara ang Binan Heritage District bilang isang “national historical – cultural heritage” at ang paglalaan ng kaukulang pondo para sa layuning ito.

Nauna nang tiniyak ni Madrona na sa pagbubukas ng 2nd Regular Session ng Mababang Kapulungan ay magiging puspusan at dib-diban ang gagawing pagdinig o hearing ng kaniyang Komite para maisulong ang pag-unlad o development ng Philippine tourism sa pamamagitan ng mga nakasalang na panukalang batas.