Magsino

Magsino optimisko: Mga proyekto  para sa OFWs ni Ople itutuloy

Mar Rodriguez Aug 25, 2023
221 Views

OPTIMISTIKO si OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na ipagpapatuloy ng sinomang hahalili sa puwestong naiwan ni yumaong Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Maria Susana “Toots” V. Ople ang mga programang sinimulan nito para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ito ang nabatid ng People’s Taliba sa isang panayam kay Magsino na umaasa siya na sinomang mapipili ni President Ferdinand “Bongbong R. Marcos, Jr. para pumalit kay Ople ay ipagpapatuloy pa rin nito ang mga programa at proyektong ipinatupad ng namayapang Kalihim sa DMW.

Nanghihinayang si Magsino kung masasayang lamang o kaya naman ay mababalewala ang legacy o pamana na naiwan ni Ople sa DMW partikular na ang pagsasa-alang alang sa kapakanan ng mga OFWs o Migrant workers. Kung saan, ito ang dapat maipagpatuloy ng susunod na Kalihim ng ahensiya.

Binigyang diin ni Magsino na bilang pagkilala na rin sa napakalaking ambag ni Ople para sa DMW. Iminumungkahi niya para sa sinomang papalit kay Ople ang pagpapatuloy sa mga programa at proyektong inilunsad ng yumaong Kalihim lalo na ang pagtutok sa kagalingan o welfare ng mga OFWs.

Nang tanungin naman si Magsino kung sino ang kaniyang preference o pinapaborang kandidato para pumalit kay Ople, sinabi ng kongresista na ayaw nitong magbigay ng pangalan. Sa halip ay ipinahayag nito na dapat iiwan na lamang kay Pangulong Marcos, Jr. ang karapatang mamili ng susunod na Kalihim ng DMW.

“Ayaw natin magbigay ng pangalan sapagkat iyan ay dapat na lamang natin iiwan para sa ating Pangulo na mamili kung sino sa tingin ang karapat-dapat na susunod na Kalihim ng DMW. Pero optimistic tayo na kung sinoman iyon ay sana maipagpatuloy niya ang mga programang iniwan ni Secretary Ople sa DMW lalo na ang pagtutok sa karapatan ng ating mga OFWs,” ayon kay Magsino.

Nauna rito, inihain ni Magsino ang isang resolution sa Kamara de Representantes na nagbibigay pugay para sa namayapang Kalihim. Sa pamamagitan ng House Resolution No. 1215 na naglalalyong kilalanin ang natatanging serbisyo na ini-ukol ni Ople para sa DMW na pumanaw noong nakalipas na August 22, 2023.

Inilarawan ng mambabatas si Ople bilang isang social activist na walang tigil sa kaniyang pagsisikap at pagsusulong nito sa interes at kapakanan ng mga OFWs. Kung saan, kabilang sa kaniyang legacy o iniwang pamana ay ang abolition sa contractualization.

“Bago pa man kami pumasok sa pagiging lingkod-bayan. Kaagapay na natin si Sec. Toots sa pagpapalawak ng adbokasiya para sa kapakanan ng ating mga OFWs at ilang beses na kaming magkasamang nakipaglaban para sa ating mga migrante. Napakataas ng pagkilala ko Kay Sec. Toots dahil sa kabuuan ng loob niya at serbisyo at integridad sa kaniyang pamumuno,” sabi ni Magsino.