Calendar
Magsino humingi ng suporta para sa mga OFWs kina Sens. Go, Hontiveros
PERSONAL na binisita ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino sina Sen. Christopher “Bong” Go at Sen. Risa Hontiveros kaugnay sa kaniyang mga “legislative measures” o mga panukalang batas na nagsusulong sa interes ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sinabi ni Magsino na dumudulog din siya kina Go at Hontiveros para hingiin ang suporta ng dalawang mambabatas patungkol sa pagsusulong ng panukalang “electronic o internet voting” para sa mga botanteng OFWs.
Binigyang diin din ni Magsino ang pagsusulong sa health care programs kabilang na ang livelihood programs para sa mga OFWs kasama ang kanilang mga pamilya na itinuturing nitong napaka-halagang bagay para sa mga OFWs bilang insentibo sa kanilang sakripisyo at pagsisikap.
Ayon kay Magsino, bilang kinatawan ng OFW Party List sa Kamara de Representantes ay ipagpapatuloy umano nito ang pagsusulong sa interes at kagalingan o welfare ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat.
Ikinagalak din ni Magsino kabilang na si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Regional Director Atty. Falconi “Ace” V. Millar ang naging desisyon ng Kuwait court na nagpapataw ng 15 taong pagka-kakulong sa 17-anyos na salarin na pumatay sa OFW na si Jullebee Ranara.
Sinabi nina Magsino at Millar na ang “long arm of the law” o ang mahabang kamay ng katarungan ay nagbigay ng hustisya sa malupit na sinapit ni Jullebee Ranara partikular na para sa kaniyang nangungulila at nagda-dalamhating pamilya matapos ang isang taong paghihintay sa kaso.
Gayunman, pahayag pa ni Magsino na bagama’t hindi na maibabalik pa ang buhay ni Ranara. Subalit ang nakamit na katarungan ng kaniyang pamilya at kamag-anak ay bahagyang magwawaksi sa hapdi ng kanilang pangu-ngulila.