Valeriano1

Intelligence fund para imbestigahan “sex cult” iminungkahi

Mar Rodriguez Sep 21, 2023
206 Views

BINIGYANG DIIN ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na maaaring gamitin ang kinukuwetiyon at kontrobersiyal na “intelligence fund” ng pamahalaan para magkaroon ng malalim na imbestigasyon patungkol sa nakakabahalang “sex cult” sa Surigao del Norte.

Sinabi ni Valeriano, Chairperson ng House Committee on Metro Manila Development, na dahil pinuputakte ng batikos ang “intelligence fund” ng gobyerno. Ikinatuwiran nito na magkakaroon ng “justification” ang nasabing pondo sa pamamagitan ng pag-iimbestiga sa kaso ng sex cult sa Surigao del Norte.

Ipinaliwanag ni Valeriano na dapat magkaroon ng malalim na pagsisiyasat laban sa Soccoro Bayanihan Services na pinaniniwalaang isang “sex cult” na nagkukubli bilang People’s Organization.

Subalit ilang menor de edad na kababaihan na miyembro nito ang nagiging biktima ng panghahalay.

Dahil dito, iginigiit ng kongresista na hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang pamahalaan at sa halip ay dapat na silang kumilos para sagipin ang ilan pang menor de edad na kababaihan na miyembro nito sa kamay ng kanilang lider na si Jay Buyser Quillario alyas Senior Aguila.

“Karima-rimarim na kadiliman ito sa Surigao del Norte. Mabuti at naisiwalat ito sa Senado patungkol sa ilang kalunos-lunos na pangyayari sa ilang miyembro nitong kababaihan na hinahalay umano ng kanilang leader. Dito magagamit ang intelligence fund ng ilang sangay ng gobyerno,” paliwanag ni Valeriano.

Nananawagan din si Valeriano sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) kabilang na ang lokal na pamahalaan ng Surigao del Norte para mabuwag sa lalong madaling panahon ang nasabing grupo at huwag ng hintayin pang mas lalo itong lumaki o lumaganap.

Muling binigyang diin ng Manila congressman na kung hahayaan ng NBI, PNP at lokal na pamahalaan na makapag-recruit pa ng mga bagong miyembro ang Soccoro Bayanihan Services ay mas marami pang kababaihan ang magiging biktima ng rape, sexual abuse, forced marriage, child abuse at iba pa.