Lacson

Ukraine dapat maging ehemplo ng PH sa pagpili ng tamang lider

313 Views

MALALAMPASAN natin ang mga epektong lilitaw at makakaapekto sa buhay ng mga Pilipino dulot ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine kung tamang lider ang magiging susunod na pangulo, ayon kay Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Aniya, ngayon na ang panahon upang suriing maiigi ng mga Pilipino kung sino ang karapat-dapat at tunay na may kakayahan sa lahat ng mga kandidato para pamahalaan ang Pilipinas, lalo sa panahon ngayon na may nagaganap na iringan sa pagitan ng dalawang bansa sa Europa.

Ayon pa kay Lacson, bukod sa maagap na paghahanda sa posibleng epekto sa ekonomiya, pagkain, at kaligtasan ng publiko, dapat handang magbuwis ng buhay ang magiging susunod na pangulo alang-alang sa kapakanan ng kanyang mga mamamayan tulad ng ginagawa ngayon ni Ukraine President Volodymyr Zelenskyy.

“Tuwing makikita ko siya kinikilabutan ako dahil nandoon siya katabi ng mga sundalo niya, ano, at handang mamatay para sa kanyang bayan. ‘Yan ang tunay na leader,” ani Lacson na dating nagsilbi bilang sundalo at hepe ng Philippine National Police.

Naunang nagpahayag si Lacson ng kanyang apela para sumali ang ating gobyerno sa mga bansang kumokondena sa pag-atake ng Russia sa Ukraine para mapigilan ang pag-usbong ng giyera na nakabatay sa pinirmahan nating kasunduan sa United Nations.

Nagpahayag si Lacson ng pagkabahala niya sa posibilidad na maaaring sapitin ng Pilipinas ang parehong sitwasyon ng Ukraine.

“Ang delikado pa sa atin, kasi kung ma-establish ‘yung precedent na ‘yung Russia pwede pala mag-invade ng sinasabi nilang teritoryo nila, baka mag-establish ng precedent, baka mangyari naman sa atin, ‘yung mga islands natin sa West Philippine Sea. Huwag naman sana. ‘Yon ang mga implikasyon na hindi natin mahulaan e,” sabi ni Lacson sa panayam ng mga mamamahayag sa kanyang pagdalaw sa Batangas kamakailan.

Si Lacson ay may mahabang karanasan at abilidad sa pagbalanse sa mga usaping geopolitikal na makaaapekto sa takbo ng ekonomiya, pambansang seguridad at foreign policy ng estado.

Kaya naman humamig ng mga positibong komento mula sa mga netizen ang naging mga tugon ni Lacson hinggil sa nasabing isyu, maging mga kapwa niya kandidato ay sang-ayon din sa mga inilatag niyang solusyon hinggil dito.