Calendar
‘Sindikato sa loob ng NAIA dapat buwagin — Valeriano
IGINIGIIT ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano sa Department of Transportation (DOTr) na kailangan nitong buwagin ang pinaniniwalaang sindikato sa loob umano ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni Valeriano na napakahalagang magsagawa ng isang malalim na imbestigasyon ang DOTr upang alamin ang posibilidad na mayroong kumikilos na sindikato sa loob ng NAIA na pinaniniwalaang nanggagaling mismo sa loob ng Office of Transport Security (OTS).
Ikinatuwiran ni Valeriano na kaya siya naghihinala na mayroong kumikilos na sindikato sa loob ng NAIA sa pamamagitan ng OTS ay dahil paulit-ulit na lamang aniya ang insidente ng pagnanakaw sa mga dayuhang pasahero na kinasasangkutan mismo ng mga tiwaling tauhan ng OTS.
Ang tinutukoy ng kongresista ay ang pinaka-huling insidente ng pagnanakaw na kinasasangkutan ng 28 taong gulang na contractual employee ng OTS na nakita o nahuli-cam sa CCTV na isinusubo ang $300.00 dollars na ninakaw nito sa isang Chinese national na pasahero sa loob ng NAIA.
Ipinaliwanag pa ni Valeriano na hindi umano magkakaroon ng lakas ng loob ang ilang tiwaling OTS personnel na gumawa ng iregularidad katulad ng mapangahas at paulit-ulit na pagnanakaw ng pera at kagamitan sa mga dayuhang psahero kung walang taong puma-padrino o buma-back-up para sa kanila.
Dahil dito, binigyang diin ni Valeriano na kailangan ng kumilos ang DOTr para lipulin at lansagin ang posibleng pamamayagpag ng sindikato sa loob ng OTS upang mahinto na ang nakakahiyang gawain ng ilang tiwaling tauhan nito sapagkat napapahiya aniya ang Pilipinas sa mata ng international community.
“Kailangang ng kumilos ang DOTr at siyasatin ang posibleng sabwatan sa loob ng OTS. Dapat lipulin ang sindikating iyan na naglalagay sa ating bansa sa matinding kahihiyan. Talamak at walang patid ang nangyayaring nakawan sa loob ng NAIA na parang mayroong protector sa loob ng OTS,” sabi ni Valeriano.