Madrona

House Committee on Tourism suportado OTS na lalong higpitan security personnel

Mar Rodriguez Sep 27, 2023
137 Views

SINUSUPORTAHAN ng House Committee on Tourism ang hakbang ng Office of Transport Security (OTS) na mas higpitan ang pamamaraan nito sa kanilang mga security personnel na nagsasagawa ng pag-iinspeksiyon sa mga pasahero ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Committee on Tourism, na nararapat lang na magpatupad ng karagdagang paghihigpit ang OTS matapos ang panibagong eskandalo at kontrobersiyang kinasasangkutan ng kanilang sariling tauhan.

Binigyang diin ni Madrona na sinasang-ayunan nito ang desisyon at pagkilos ng OTS na magpatupad ng paghihigpit. Sapagkat muli na naman natambad sa labis na kahihiyan ang Pilipinas dahil sa pagnanakaw ng isa sa kanilang tauhan (OTS) na isang 28 taong gulang na contractual employee.

Ikinatuwiran ni Madrona na ang panibagong insidente ng pagnanakaw sa NAIA na kinasasangkutan ng OTS personnel ang naglalagay sa Pilipinas sa nakakahiyang kalagayan sa mata ng international community. Sa kabila ng mga pagsisikap na manghikayat ng mga dayuhan na bumisita sa bansa.

Ayon kay Madrona, bilang Chairman ng Committee on Tourism. Nasasayang lamang umano ang mga pagsisikap o effort ng Department of Tourism (DOT) na makahikayat ng mga dayuhang turista na bumista o magtungo sa Pilipinas. Kung pagdating naman nila umano sa airport ay mananakawan sila.

Dahil dito, muling binigyang diin ng kongresista na kapag ganito ang nag-aabang na sitwasyon sa Pilipinas. Wala umanong dayuhan ang mahihikayat na bumista sa bansa kahit pa gaano kaganda ang mga mabulaklak na salitang binibitiwan o panghihikayat ni Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco sa mga dayuhan.

Sinabi ni Madrona na nararapat lamang na linisin ng OTS ang kanilang sariling dumi o dungis na minantsahan ng kanilang sariling tauhan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga pamamaraan para hindi na muling maulit ang nasabing pangyayari na nagbibigay ng kahihiyan sa Pilipinas.