MRT

MRT-3 pwede na punuan simula Marso 1

Jun I Legaspi Feb 28, 2022
291 Views

SIMULA Marso 1 ay papayagan na ang 100% passenger capacity sa mga tren ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3).

Ang pagdaragdag ng mga pasahero na maaaring isakay ay bunsod ng pagpapalit ng Alert Level sa National Capital Region (NCR).

Mula sa Alert Level 2 kung saan pinapayagan ang 70% passenger capacity ay ilalagay sa Alert Level 1 ang NCR mula Marso 1 hanggang 15.

Ang 100% capacity ay katumbas ng 394 na pasahero kada bagon o 1,182 na pasahero kada train set. Ang dating sinusunod na 70% passenger capacity ay katumbas ng 276 na pasahero kada bagon o 827 na pasahero kada train set. Ang isang train set ay binubuo ng tatlong bagon.

Ipinaalala naman ng MRT-3 na mahigpit na ring ipatutupad ang minimum public health standards sa buong linya ng MRT-3, kasama dito ang pagbabawal sa pagsasalita, pagkain, pag-inom, at pagsagot sa telepono sa loob ng mga tren. Kinakailangan ding magsuot ng facemask samantalang boluntaryo ang pagsuot ng face shield.