Valeriano

Valeriano ikinagalak direktiba ni PBBM

Mar Rodriguez Oct 11, 2023
136 Views

Na ipantulong sa mga magsasaka sobrang koleksiyon ng RCEF

MAGING si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ay nagalak din sa naging direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na gamitin ang mga sobrang koleksiyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (FCEF) para tulungan ang mga pobreng magsasaka.

Nauna rito, inatasan at nagbigay ng direktiba si Pangulong Marcos, Jr. sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) upang gamitin ang sobrang koleksiyon ng “rice tariff” para matulungan ang mga magsasaka sa gitna ng matinding krisis na nararanasan nila bunsod mataas na presyo ng bigas.

Dahil dito, binigyang diin ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na ang naging kautusan ni Pangulong Marcos, Jr. ay nagpapatunay lamang na nagsisikap ang Punong Ehekutibo na na mas palakasin at pag-ibayuhin ang agricultural production sa bansa.

Sinabi ni Valeriano na nais lamang ng Pangulo na matiyak na “stable” o matatag ang supply ng bigas at abot kaya angb presyo nito sa mga pamilihan na kayang bilhin ng mga ordinaryong mamamayan lalo na ang mga mahihirap.

Ikinalugod din ng kongresista ang naging pangako naman ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na magkakaloob ang Kamara de Representantes ng karagdagang P40 billion na pondo para sa ikakasang irrigation project sa ilalim ng 2024 proposed national budget.

Ayon kay Valeriano, bagama’t siya ay kinatawan mula sa Metro Manila. Subalit binigyang diin naman nito na nararamdaman niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga magsasaka sa iba’t-ibang probinsiya. Kaya kalugod-lugod para sa kaniya ang pagtutulungan ng pamahalaan at Kongreso para matulungan ang mga magsasaka sa gitna ng krisis na nararanasan ng bansa.