Jinggoy

Jinggoy: Makasaysayng panalo ng Gilas dapat parangalan

317 Views

NAGHAIN ng resolusyon si Senador Jinggoy Ejercito Estrada para bigyan parangal ng Senado ang mga manlalaro ng Gilas Pilipinas sa kanilang makasaysayang panalo sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China – ang unang gintong medalya sa men’s basketball makalipas ang 61 taon.

Aniya, karapat-dapat ipagdiwang ng buong bansa ang panalo ng Gilas Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinakamataas na pagkilala sa mga manlalaro nito sa Senado.

“Ang tagumpay ng Gilas Pilipinas ay nagbigay karangalan at dahilan para ipagmalaki ito ng bansa. Itinataas din nito ang imahe natin,” ani Estrada.

Dagdag pa ng senador, makasaysayan ang naging tagumpay ng pambansang koponan sa basketball sa pinakabagong edisyon ng Asian Games dahil tinapos nila ang anim na dekadang tagtuyot ng bansa sa gintong medalya, kung kailan ang pinakahuli ay nakuha pa noong 1962.

Apat na beses ng nag-uwi ang Pilipinas ng gintong medalya sa Asian Games basketball. Una ay noong 1951 sa New Delhi, sumunod ay noong 1954 sa Maynila, pagkatapos ay noong 1958 sa Tokyo, Japan at ang pinakahuli ay noong 1962 sa Jakarta, Indonesia.

Sa katatapos lamang na Asian Games, tinalo ng Gilas Pilipinas ang Jordan sa score na 70-60.

Sa kanyang inihain na Senate Resolution No. 823, sinabi ni Estrada na ang tagumpay na nakamit ng Gilas Pilipinas ay pagpapatunay na isa ang Pilipinas sa mayroong pinakamagaling na national basketball team sa rehiyon.

“Ang mga kampeon na manlalaro ng pambansang koponan ng basketball ay nagpakita ng kahanga-hangang pagtutulungan at sportsmanship sa kanilang buong kampanya at ipinamalas din nila ang hindi natitinag na kahusayan at determinasyon ng mga Pilipino. Pinatunayan din nila sa kanilang makasaysayang tagumpay ang husay at kapasidad ng mga Pilipino sa larong ito laban sa mas matatangkad na kalaban, mas mataas na ranggo ng mga koponan at katatagan sa pagharap sa mga pagsubok at hamon,” sabi ng senador.

“Nagiging mga huwaran ang ating mga mahuhusay na atleta para sa mga nakababatang henerasyon para sumabak sa sports bilang isang makabuluhang gawain at hikayatin sila na magkaroon ng maayos pisikal na kalusugan, disiplina sa sarili, pagtitiyaga at kahusayan,” dagdag ni Estrada.

Ang Asian Games na nilahukan ng mahigit 12,000 atleta mula sa 45 na bansa ay isang quadrennial continental multi-sport event na itinuturing na pinakamalaki at pinaka prestihiyosong paligsahan sa rehiyon.

Ang Gilas Pilipinas ang nagbigay ng ika-apat na gintong medalya ng Pilipinas sa Asiad, kasunod ng pagkapanalo nina Ernest John Obiena sa men’s pole vault, Margarita Ochoa sa Jiu-jitsu women’s 48-kg class at Annie Ramirez sa Jiu-jitsu women’s 57-kg class.

Nais ni Estrada na bigyan ng kopya ng resolusyon ang bawat isa sa mga manlalaro ng basketball maging ang kanilang coaches at iba pang bumubuo sa koponan ng Gilas Pilipinas.