PBBM

Speaker pinuri matagumpay na biyahe ni PBBM sa Saudi, kinilala magiging benepisyo sa mga Pinoy

Mar Rodriguez Oct 22, 2023
118 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ngayong araw ang matagumpay na biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Saudi Arabia kung saan naselyohan ang bilyun-bilyong dolyar na halaga ng pamumuhunan na magbibigay ng mapapasukang trabaho sa mga Pilipino at magpapalakas sa ekonomiya ng bansa.

Sinaksihan ni Pang. Marcos ang paglagda sa mga kasunduan sa pamumuhunan na may kabuuang halagang US$4.26 bilyon, na pakikinabangan ng tinatayang 300,000 manggagawang Pilipino at ang interes ng mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa Maharlika Investment Fund.

Nakipagpulong si Pang. Marcos sa mga pangunahing business leader sa Saudi sa gilid ng 2023 ASEAN-Gulf Cooperation Council Summit.

“In light of these significant accomplishments, we commend President Ferdinand Marcos, Jr. for his immensely successful visit to the Kingdom of Saudi Arabia,” ani Speaker Romualdez, lider ng mahigit 300 kongresista.

“His dedication, exceptional diplomatic finesse and vision for our nation’s future have resulted in tangible benefits for our country and our people, and we eagerly anticipate the positive impact these achievements will have on the Philippines’ growth and prosperity,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Ayon kay Speaker Romualdez ang mga nakuha ng bansa sa pagbisita ni Pang. Marcos sa Saudi ay patunay ng lumalaking kumpiyansa sa Pilipinas bilang pangunahing destinasyon ng dayuhang pamumuhunan bunsod ng positibong klima sa ekonomiya at liderato ng bansa.

Indikasyon din umano ito ng pagnanais ni Pang. Marcos ng mas maunlad at magkaka-ugnay na ekonomiya sa mundo, kung saan ang Pilipinas ay mayroong mahalagang papel na ginagampanan.

Sinabi nito na ayon kay Pang. Marcos, tiniyak sa kanya ng mga negosyante at opisyal ng Saudi na handa silang mamuhunan sa Pilipinas at ang pagpili ng mga ito sa mga manggagawang Pilipino para sa kanilang labor force.

Sa kanyang pakikipag-usap sa media bago bumiyahe pabalik sa Pilipinas, sinabi ni Pang. Marcos na kumpiyansa ito na magiging maliwanag ang hinaharap ng samahan ng Gulf States at mga miyembro ng ASEAN.

“There is a very clear understanding, especially amongst the leaders of the Gulf states that in this globalized economy, it is important to continue to make these arrangements, make these agreements so that we have a very strong basis from which to transform our economies and from which we can grow,” sabi nito.

Sa summit, hiniling din ng Pangulo sa mga miyembro ng GCG na tulungan ang mga bansa sa Southeast Asia upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng produktong petrolyo ang mga ito, bukod pa sa fertilizer habang bumabangon mula sa epekto ng coronavirus pandemic at sa gitna ng mga kaguluhan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ayon kay Speaker Romualdez nagkaroon din ng pagpupulong sina Pang. Marcos at Kuwaiti Crown Prince na makatutulong umano sa pagpapalakas ng relasyon ng dalawang bansa.

“This encounter brings hope for the restoration of diplomatic relations between our two nations, which had previously been strained due to labor issues and the need to protect the welfare of Overseas Filipino Workers,” ani Speaker Romualdez.

Ayon sa Pangulo, sinabi sa kanya ng Kuwaiti monarch na hindi ito masaya sa kasalukuyang relasyon ng Pilipinas at Kuwait at hindi umano kailangang humingi ng paumanhin ang Pilipinas. Sa halip ang Crown Prince umano ang nagbigay ng paumanhin dahil sa ginagawa ng ilan nilang residente.

“We will fix it and we will make it because we love the Philippines.’ And he said, ‘Because I remember your father,’ Sabi nya, ‘He always supported Kuwait. He always supported us and we know that you will also always support us, that’s why we will fix this,” sabi ng Pangulo patungkol sa sinabi sa kanya ng lider ng Kuwait.

Sinabi ni Pang. Marcos na ito ay isa sa mga tagumpay ng kanyang biyahe sa Saudi.

Sinuspendi ng Kuwaiti government ang pagbibigay ng entry at work visa sa mga Pilipino dahil sa hindi umano pagsunod ng Pilipinas sa mga napagkasunduan.

Ipinagbawal naman ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga first-time household service sa Kuwait matapos paslangin ang overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara, na ginahasa, pinatay, at sinunog ng anak ng kanyang amo.

Noong 2018, nagpatupad din ng pansamantalang deployment ban ang nakaraang administrasyon matapos na patayin ang household worker na si Joan Demafelis.