Fernandez Nagpakitang gilas si Quendy Fernandez sa women’s 100-meter backstroke sa PNG swimming competitions. PSC Media photo

Hallasgo, inspirasyon sa Philippine National Games

199 Views

AMINADO si national athlete Christine Organiza Hallasgo na inaasahan nitong masusungkit ang gintong medalya sa 10,000m run ng women’s division sa Philippine National Games kahapon na ginanap sa PhilSports Track & Field oval sa Pasig.

Nirehistro ni 31-year-old Hallasgo ang 37 minuto at 06.96 segundo sapat upang sikwatin ang gold at ungusan sina silver at bronze medalists Artjoy Torregosa, (39:09.49 ng Cebu at April Joy Baura Alampayan (39:10.04) ng Bohol ayon sa pagkakasunod.

Unang salang ni Hallasgo sa PNG na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamunuan ni Chairman Richard Bachmann, pero maliban sa gintong medalya, nais nitong mabigyan ng inspirasyon ang mga kasaling atleta.

“Bilang national athlete kailangan ipakita natin at pangunahan natin ang ibang atleta para makapagbigay sa kanila ng saya,” saad ni Hallasgo.

Nagpakitang gilas din ang pambato ng Tuguegarao na si Rashed Faith Burdeos (36.27) na sikwatin ang ginto sa U-20 Discus Throw women’s division, napunta ang silver kay Rechelle Bonite Barbin (34.41) ng Camarines Sur at bronze ang ikinuwintas ni Janine Aliviado Ledina (33.96 ng Baguio.

Kuminang naman si Chrizzel Lanipa ng Zamboanga matapos sungkitin ang gold sa distaff side ng Shot Put sa PNG, pilak at tanso ang nasungkit ng pambato ng Pasig na sina Ainah Marie Agapito Masangkay at Kasandra Hazel Ranay Alcantara.

Samantala, nagpasiklab si Swimmer Quendy Fernandez ng Puerto Princesa matapos languyin ang dalawang ginto sa women’s swimming ng PNG.

Kinahon ni UAAP Season 86 Swimming MVP at Rookie of the Year ang gold medal sa 18-and-over 50-meter butterfly at 100-meter backstroke events.

“I was not really expecting this because this is my first PNG, I am extremely happy.” saad ni Fernandez.

Si 18-year-old Fernandez ang pangalawang atleta na nakasikwat ng dalawang ginto sa PNG, nauna rito si national swimmer Miguel Barreto ng Bulacan sa Day 1.