Bachmann Magkasama sina PSC Chairman Richard Bachmann, SBP President Al Panlilio, at SBP Deputy Executive Director Erika Dy sa formal turnover ceremony ng FIBA flooring na ginamit sa 2023 Basketball World Cup. PSC Media photo

Bachmann, Panlilio partner sa pagpalawak sa basketball

207 Views

IPINAGPASALAMAT ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann ang pagkakaloob ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng mga flooring na ginamit ng internasyonal na pederasyon sa basketbal sa pagsasagawa sa bansa ng nakalipas na FIBA World Cup 2023.

Tinanggap mismo ni Bachmann, na kabilang sa organizing committee ng FIBA World Cup 2023 bago napili bilang chairman ng ahensiya ng gobyerno sa sports, ang deed of donation para sa modernong uri ng flooring mula kay SBP president Alfredo Panlilio at SBP Executive Director Erika Dy.

“Our national athletes and basketball players, especially those in the collegiate leagues can now benefit from these flooring,” sabi ni Bachmann.

Ang flooring na ginamit na practice facility sa ginanap na pagho-host ng Pilipinas sa FIBA World Cup ay permanente na sa Ninoy Aquino Stadium.

Dalawang flooring ang nakatakda pa makuha ng PSC para naman sa dalawa pa nitong pasilidad na nasa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila at sa PhilSports Arena sa Pasig.

Nagsagawa din ng clinic ang SBP sa pangunguna ng Special Assistant to the President of SBP at dating PBA coach na si Ryan Gregorio.

“We hope to continue with the success of our FIBA World Cup hosting. Alam po ninyo na bago naging PSC chief ay isa si Chairman Richard (Bachmann) sa mga opisyales ng ating organizing committee. He helped us a lot in securing funding for the event, and we are happy to help him back with these facility,” sabi ni Panlilio.