Paolo Duterte

Para sa unang distrito ng Davao City nakakuha ng malaking budget allocation noong 2020-2023

125 Views

SA national budget, ipinag-utos umano ni Davao Rep. Paolo Duterte ang karagdagang alokasyon na P30 bilyon para sa unang distrito ng Davao City para sa taong 2020-2023.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), dahil sa naturang hakbang ang panukalang National Expenditure Program (NEP) ng Malacañang ay tumaas ng halos 500% para sa nasabing panahon.

Base sa mga dokumento, sa kanyang unang taon sa pwesto, itinaas umano ni Rep. Duterte ang Malacañang-proposed 2020 NEP ng mula P4.67 bilyon at naging P13.745 bilyon, o kabuuang pagtaas na P9.07 bilyon. Ito ay mahigit umano sa 300% na pagtaas.

Sa sumunod na taon, itinaguyod naman ni Pang. Rodrigo Duterte ang P9.67 bilyong alokasyon para sa distrito ng kanyang anak, na nagresulta sa P5 bilyong pagtaas mula sa nakalipas na taon.

Noong taong 2022 naman, naglaan si Pang. Duterte ng P10 bilyon para sa distrito ng kanyang anak.

Ang naturang halaga ay dinagdagan pa umano ni Rep. Duterte, na nagtaas sa panukalang budget ng kanyang ama para sa unang distrito ng Davao City ng mula P9.67 bilyon sa P25.034 bilyon, o kabuuang P15.36 bilyon. Ito ay kumakatawan sa halos 400% na increase.

Sa huling taon naman ni Pang. Duterte bilang pangulo, nagpanukala ang Palasyo ng P10 bilyong budget para sa unang distrito ng Davao City, na isa sa most substantial allocations para sa isang lungsod.

Gayunman, nagpasok pa umano ang batang Duterte dito ng kabuuang P3.047 bilyon.

Nabatid na sa loob ng tatlong taon, ang unang distrito ni Duterte ay nakatanggap ng total allocation na P51 bilyon.

Taliwas ito sa P11.2 bilyon lamang na natanggap na alokasyon ng unang distrito ng Davao City mula 2016-2019, noong panahon ni dating House Appropriations Committee Chair at ngayon ay Civil Service Commission (CSC) Chairman Karlo Alexei Nograles.

Bilang tugon sa pagbabawas ng pamunuan ng Kamara ng P2 bilyon mula sa budget ng kanyang distrito, naglabas ng pahayag si Duterte na nagpapakita ng dissatisfaction, at sinabing P500 milyon na lang ang natira para sa kanyang distrito.

Gayunman, nakasaad sa dokumento ng DPWH noong 2023, sa ilalim ng termino ni Pang. Marcos, ang kanyang distrito ay may allocated na P5.22 bilyon, at karagdagan pang alokasyon na P1.02 bilyon para sa taong 2024.