Hon Rolando

Pagbabago sa school calendar dapat pag-aralan — Valeriano

Mar Rodriguez Jan 23, 2024
279 Views

IMINUMUNGKAHI ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na dapat pag-aralan muna ng Department of Education (DepEd) ang ipinapanukalang ibalik sa lumang “school calendar” ang kasalukuyang pasok ng mga estudyante na nagsisimula ng Agosto hanggang Mayo.

Ipinaliwanag ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na kaya inusog ang dating “school calendar” na nag-uumpisa ng Hunyo hanggang Marso ay dahil ang buwan ng Hunyo ang panahon na bumubugso ang mga bagyo at pagbaha sa Metro Manila.

Sinabi ni Valeriano na bukod sa pananalanta ng mga bagyo at pagbaha sa Kalakhang Maynila. Iniiwas din ang mga estudyante sa pagkakaroon ng sakit dulot ng kalamidad sapagkat muling iginiit ng mambabatas na ang buwan ng Hunyo ang kasagsagan kung saan dumarating ang mga kalamidad.

Ipinahayag pa ng kongresista na batay din sa isinagawang pag-aaral ng ilang ahensiya ng pamahalaan. Napag-alaman na mas kakaunti ang bilang ng mga araw na umuulan sa Metro Manila sa buwan ng Agosto hanggang Mayo kumpara naman sa buwan ng Hunyo hanggang Marso.

Dahil dito, iginigiit ni Valeriano na kinakailangang pag-aralan munang mabuti ng DepEd ang nasabing panukala bago tuluyang magkaroon ng desisyon patungkol dito. Sapagkat hindi aniya dapat mababad sa tag-ulan ang mga estudyante na maaaring maging dahilan ng kanilang pagkakasakit.

Ayon kay Valeriano, sakaling ipagpilitan ang pagbabago sa kasalukuyang school calendar ng mga mag-aaral. Magiging mahirap ito para sa mga magulang, mga teachers at iba pang school personnel na maaaring nakasanayan na ang kasalukuyang school calendar sa mga paaralan.

Hinihiling din ng mambabatas sa DepEd na tutukan ang pagpapabuti ng edukasyon sa larangan ng Science, Mathematics, Information Technology (IT), History, Kultura, English at Moral Values para narin sa ikahuhusay ng mga estudyante bilang bahagi ng pagsusulong ng “quality education”.