Speaker Romualdez

Speaker Romualdez: Demokrasya patuloy na pangalagaan, pahalagahan

Mar Rodriguez Jan 24, 2024
245 Views

HINIKAYAT ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga Pilipino na protektahan at pangalagaan ang demokrasya ng bansa.

Sinabi ito ni Romualdez sa kanyang mensahe sa paggunita ng ika-125 taong anibersaryo ng unang Republika ng Pilipinas na ginanap sa makasaysayang Barasoain Church sa Malolos City, Bulacan nitong Martes.

Pangunahing panauhing pandangal sa selebrasyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa naturang selebrasyon

Kasamang dumalo ni Speaker Romualdez sa flag raising ceremony sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Executive Secretary Lucas Bersamin, AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, Jr., Bulacan Governor Daniel Fernando, Malolos City Mayor Christian Natividad, National Historical Commission of the Philippines Chairperson Emmanuel Franco Calairo, at mga pari ng Barasoain Church Parish.

“Ako’y nakikiisa sa bawat Pilipino sa pagpaparangal sa araw na ito, kasama ang lahat ng kinatawan ng Malaking Kapulungan ng Kongreso,” ani Speaker Romualdez.

“Gamitin natin ang pagkakataong ito upang muling ialay ang ating sarili sa demokrasya sa loob at labas ng bayan nating mahal. Kasabay nito, palakasin pa natin ang ating determinasyon na magpatuloy sa paghahangad ng kaunlaran para sa Pilipinas – isang bansa kung saan malaya ang bawat Pilipino na itakda ang kinabukasan na may kalayaan, kapayapaan, at kasaganaan,” dagdag niya.

Ayon pa sa lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro dapat ay ipagmalaki ng mga Pilipino na 125 taon na ang nakakaraan, ay naitatag sa Pilipinas ang kauna-unahang republican constitution sa Asya.

“Sa loob ng simbahang ito – pinagkaisahan ang paniniwala na ang tunay na kapangyarihan ay nagmumula sa mga mamamayan. Ang paninindigan na ang bawat Pilipino ay may pantay na mga karapatan. Ang kapangyarihan na hubugin ang kaunlaran ng bansa sa pamamagitan ng pagpili sa mga opisyal na mananagot sa taumbayan,” saad ni Romualdez.

Ang kanila aniyang pangarap noon ay natupad na ngayon dahil sa nananatiling buhay at masigla ang demokrasya sa Pilipinas.

“Namumukod-tangi at masigla ang demokrasya sa Pilipinas. Ang bawat isa ay may kalayaan sa pagpapahayag. Mayroon tayong mga pinunong pinili ng nakakarami,” sabi pa ni Romualdez.

“Kahit may ilan na maaaring hindi sumang-ayon dito, naniniwala ako na ang pagpapanatili ng mga prinsipyong demokratiko ay sapat na dahilan upang tayo ay magdiwang,” dagdag pa niya.

Ilan naman sa mga mambabatas na dumalo sa pagtitipon sina Minority Leader Marcelino Libanan, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Jr.; Deputy Speakers Raymond Democrito Mendoza, Camille Villar at Kristine Meehan-Singson, at Bulacan Reps. Ambrosio Cruz, Jr., Salvador Pleyto, Augustina Pancho, Linabelle Ruth Villarica and Danny Domingo.

Dumalo rin sa selebrasyon sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda at Senator Mark Villar.