Calendar
FFW kinondena panawagang ihiwalay ang Mindanao
MARIING kinondena ng Federation of Free Workers (FFW) ang naging panawagan nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at kaalyado nitong si dating House Speaker at kasalukuyang Davao del Norte 1st Dist. Congressman Pantaleon D. Alvarez para sa paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas.
Sinabi Atty. Sonny Matula, FFW President, na labis umano nilang ikinababahala at ikinadidismaya ang komento ng dating Pangulong Duterte at Alvarez matapos nilang ipanukala ang paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas na posibleng maging dahilan para sumiklab ang kaguluhan.
Binigyang diin ni Matula na hindi malayong sumiklab ang kaguluhan o hidwaan sapagkat itinutulak ng panukala nina Duterte at Alvarez na mag-away-away ang mga Pilipino o Kristiyano laban sa mga Muslim sa pamamagitan ng civil war. Katulad ng mga nangyari sa nakaraang panahon.
Ipinaliwanag ni Matula na sa halip na pag-isahin ang mga Pilipino, Muslim man o Kristiyano ay maaari pang pagmulan ng matinding kaguluhan ang planong paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas gaya ng nais mangyari nina Duterte at Alvarez. Sapagkat mistulang ipinapahiwatig ng kanilang panukala na mayeroong dalawang paksiyon ang Pilipinas.
Bukod dito, ipinabatid pa ni Matula na ang panawagan nina Duterte at Alvarez para sa secession bilang pagtutol sa planong pagbabago sa 1987 Philippine Constitution ay hindi umano isang katanggap-tanggap na panukala. Sapagkat mistulang pinasisiklab ang apoy ng hindi pagkakaunawaan.
“Duterte’s call for succession as a means to oppose the amendment of the constitution is an unacceptable proposal. Para itong pagpapasiklab sa apoy ng hindi pagkakaunawaan. Layunin nito na lumika ng kaguluhan at kalituhan sa mga Pilipino,” sabi ni Matula.