Martin

‘Pagkakaisa concert’ sa BPSF sa Sultan Kudarat dala ang mensahe ng pagkakaisa, pagsasama-sama

Mar Rodriguez Feb 26, 2024
126 Views

DALA ng ‘Pagkakaisa concert’ ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Sultan Kudarat ang mensahe ng pagkakaisa at pagsasama-sama hindi lamang para sa Mindanao kundi para sa buong bansa.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, isa sa mga nagtaguyof ng BPSF, pinalitan ng Pagkakaisa Concert ang nakagawiang “Pasasalamat Concert” upang mabigyan-diin ang pagkakaisa ng mga taga-Mindanao laban sa panukala na iniwalay ito sa Pilipinas.

“Nakakatuwa ang nakita nating pagkakaisa dito sa Sultan Kudarat. May 45 tayong kasama sa Kamara na nakadalo, lagpas 150,000 beneficiaries ang ating nabigyan ng ayuda at serbisyo, at libo-libo ang umattend at nakiisa sa ating Pagkakaisa Concert,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

“Ito na ang pinakamalaki nating Serbisyo Caravan! Kaya sa panig ng mga organizers, kasama na ang inyong lingkod, umaapaw ang aming pasasalamat sa lahat ng nakilahok at tumulong sa BPSF na ito. Makakaasa tayo na aming itutuloy ang programa para sa lahat ng Pilipino,” dagdag pa niya.

Kapwa naman nagpasalamat sina Sultan Kudarat Gov. Pax Mangudadatu at Rep. Princess Rihan M. Sakaluran, kay Speaker Romualdez at iba pang nag-organisa sa BPSF sa pagdadala ng tulong at serbisyo sa kanilang lugar.

Ginanap ang Pagkakaisa Concert sa SK Provincial Capitol Grounds na dinaluhan ng halos 100,000 manonood.

Kasama sa mga nagtanghal ang Pinoy rap sensations na sina Gloc 9, Flow G at Skusta Klee, at mga mang-aawit na sina Angeline Quinto and Joseph Marco.

“I am thankful also to the citizens of Sultan Kudarat for being such gracious hosts. Thank you for the support you have given to the BPSF and to all efforts to bring closer to the people all the government programs. Ito ang direktiba ng ating Pangulong Bongbong Marcos Jr.,” ani Speaker Romualdez.

Higit sa P1.2 bilyong halaga ng tulong pinansyal at serbisyo na hatid ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang dinala sa Sultan Kudarat sa ilalim ng BPSF.

Bukod pa ito sa pamamahagi ng bigas at cash assistance sa ilalim ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program at Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) para sa Kabataan.