Calendar
Glenda Garcia: Kuwento ng isang cancer survivor
LABING-ISANG taon mula nang maka-survive sa breast cancer, patuloy pa ring lumalaban si Glenda Garcia.
“Nung malaman kong may cancer ako, sabi ko hindi ako iiyak,” kuwento niya. “Pero nung magsimulang malagas ang mga buhok ko, hindi ko napigilan ang maiyak.”
Sa kabila nito, nagpatuloy pa siya sa trabaho. Humingi siya ng pasensya sa mga kasamahan niya sa set at nauunawaan naman siya.
Nagpakatatag, lalo na nang magsimula siya sumailalim sa chemotherapy. “Hanggang masanay na ako,”patuloy niya. “At sabi ko sa sarili ko, hindi ako patatalo sa sakit ko.”
Malaking inspirasyon sa kanya ang kanyang anak na si Carlo na noon ay 13 taong gulang pa lamang. Bilang isang single mom, alam niya na kailangan niyang magpakatatag.
Hindi rin nawala ang kanyang pamilya sa kanyang tabi, kabilang na ang kapatid ding aktres na si Melissa Mendez. “Ang nanay at tatay ko, hindi puwedeng hindi nila ako itse-check,” aniya. “Kaya lalo akong lumalakas.”
Six cyles tuwing ika-21 araw ang kanyang chemotheraphy at ang radiation process ay 32 sessions.
Hanggang naramdaman niyang unti-unti nang tumutubo ang kanyang buhok. Pakiramdam niya, para siyang nanalo ng isanlibong trophy sa bawa’t buhok na tumutubo sa kanya.
At makalipas ang wala pang isang taon, dumating ang magandang balita. “Sabi ng mga doktor ko, sina Dr. Eric Talens (surgeon) at Dr. Claire Soliman (oncologist). Congrats. Cancer free ka na.”
At itinuon niya ang panahon sa ilang sport activities tulad ng cycling at tennis, gayundin sa pagkahilig sa pagluluto. Sumuporta rin siya sa ilang samahan na may kinalaman sa pag-aalaga sa breast cancer patients.
Kaya nagpapasalamat siya sa lahat ng mga taong sumusuporta sa kanya, lalo na sa mga patuloy na naniniwala sa kanyang kakayahan bilang aktres. Hindi man niya narating ang superstar status, ang mahalaga sa kanya ay narito pa rin siya sa industriya at hindi nawawalan ng trabaho.
Nakatapos na rin ng pag-aaral ang kanyang anak na si Carlo (Management Engineering sa Ateneo de Manila) at nagtatrabaho na sa Reckkit.
Sa bagong afternoon series na “Lilet Matias: Attorney-At-Law,” ginagampanan ni Glenda ang papel ni Ces Matias. “Adoptive mother ako ni Jo Berry as Lilet na kasambahay nila Sheryl Cruz as Patricia and Bobby Andrews as Ramir Engano,” kuwento ni Glenda. “Iniwan sa labas ng bahay namin si Lilet at ako ang nakakita. Ako na ang umakong nanay n’ya. Isa sa maraming dahilan kung bakit ginusto ni Lilet maging abogado ay dahil sa akin. Si Lilet ang naging buhay ko.”
Naging maganda ang chemistry nila bilang mag-ina-inahan. “Sa mga eksena namin pag nagtama pa lang ang mga mata namin, alam na namin ang gusto naming iparamdam sa televiewers,” aniya. “Lagi kaming take 1. Magaling si Jo at mabait.”
Masaya rin siya dahil katrabaho niya ang isa sa mga close friends niya sa industry, si Rita Avila. “Pero lahat naman kami sa set ay magkakasundo,”pahabol ni Glenda. ”Walang may ere.
Napakagaling at ang bait pa ni Direk Adolf Alix Jr. May respeto sya sa amin bilang actors nya. Gusto nya lahat kami mag-shine.”
Higit sa lahat, sobra ang pasasalamat niya sa GMA7. “Hanggang ngayon, hindi nawawala ang tiwala nila sa akin. Ang gaganda ng role na ibinibigay nila sa akin, na ang pinakabago nga ay itong sa Lilet Matias. I couldn’t ask for more.”
Magsisimula ang “Lilet Matias: Attorney-At-Law” simula sa Marso 4, bilang kapalit ng “Stolen Life.”