Calendar
Kamara muling pinagtibay suporta sa plano ni PBBM na palakasin ng PCG, AFP
MULING pinagtibay ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang buong suporta ng Kamara de Representantes sa inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na mapalakas ang Philippine Coast Guard (PCG) at gawing moderno ang Armed Forces of the Philippines (AFP), sa gitna na rin ng tensyon sa West Philippine Sea.
“We stand united in support of President Marcos, Jr.’s firm resolve to enhance our defense capabilities to uphold our country’s sovereignty and protect our national interest in the West Philippine Sea. The House of Representatives is solidly behind his decisive leadership and unwavering commitment to safeguarding our sovereignty and territorial integrity,” ayon kay Romualdez.
Ito ang naging pahayag ng pinuno ng Kamara, kasunod ng pinakahuling insidente ng banggaan sa pagitan ng barko ng Philippine Coast Guard at mas malaking barko ng Chinese Coast Guard.
Naganap ang insidente noong Martes ng umaga habang nagsasagawa ng escorting rotation ang PCG para sa AFP sa paghahatid ng suplay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal upang magdala ng suplay sa mga nakatalagang Navy personnel.
Binigyan diin ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa Lowly Institute in Melbourne, Australia, ang pagpapatuloy ng Pilipinas na palakasin ang kakayahan ng PCG at patuloy na modernisasyon ng AFP bilang pagpapatibay sa kanyang pahayag na hindi kailanman isusuko ang teritoryo at karapatan ng Pilipinas sa sinumang dayuhan.
“The House of Representatives pledges its full cooperation in the legislative process to ensure the timely implementation of measures to strengthen the Philippine Coast Guard and modernize the AFP to bolster our country’s defense posture in the face of emerging challenges,” pagbibigay diin naman ni Romualdez, na kabilang sa opisyal na delegasyon ng Pilipinas sa ASEAN-Australia Special Summit.
Sinabi pa ng Pangulong Marcos na una na rin niyang inaprubahan ngayong taon ang planong pagbili ng AFP ng Re-Horizon 3, na bahagi ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept ng Pilipinas.
Sa ilalim ng defense plan, sinabi ni Pangulong Marcos na kinakailangang magarantiyahan ng pwersa ng Pilipinas ang kaligtasan ng mga Filipino, mga korporasyon na awtorisado ng pamahalaan ng Pilipinas upang malayang maisagawa ang exploration at exploitation ng likas na yaman na pag-aari ng bansa, lalo na ang nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ayon na rin sa sinasaad ng international law.
Tiniyak pa ng Pangulo ang ginagawang pagsisikap ng mga ahensya, institusyon at pwersa ng Pilipinas para palakasin ang kakayahan, bilang pangunahing tagapangalaga , tagapagtanggol at ang pagpapairal ng batas ayon na rin sa pandaigidagang patakaran.
Sa kabilang banda, tiniyak din ng Pangulo ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa China sa kabila na rin ng mga hindi pagkakaunawaan, ito ay sa pamamagitan ng bilateral relations at ASEAN-led mechanisms.
Dagdag pa ng Pangulong Marcos, ang Pilipinas ay mananatili sa pagsunod sa 2002 ASEAN-China Declaration on the Conduct of Parties sa South China Sea, at makikipagtulungan sa ASEAN at China tungo sa mas epektibo at makabuluhang Code of Conduct (COC) base sa itinatadhana sa UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea).
“I am deeply concerned about this recent development in connection with the territorial dispute between our nation and China. The stability and prosperity of our region rely heavily on the principles of diplomacy and adherence to the rules-based order,” ayon pa kay Romualdez.
“The Philippines remains committed to pursuing diplomatic channels to address this issue and seeks to foster a relationship with China based on mutual respect and cooperation. We believe that by working together in a spirit of goodwill, we can achieve a peaceful and equitable resolution to our territorial dispute,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa ulat ng PCG, ang banggaan sa pagitan ng BRP Sindangan at barko ng China Coast Guard 2155 ay nagresulta ng maliit na pinsala sa barko ng PCG.
Ang insidente na naganap ng Martes ng umaga ay ang pinakabago sa paulit-ulit na nakababahalang pangyayari sa pagitan ng Philippine at Chinese Coast Guard sa pinagtatalunang teritoryo sa nakalipas na mga buwan, kabilang na rin dito ang ginawang panunutok ng China ng military-grade lasers at water canon firing sa mga barko ng Pilipinas.