Calendar
Team 2000 bida sa ERJHS 3×3 tourney
TULAD ng inaasahan, nasungkit ng Team 2000 ang kampeonato sa kauna-unahang E. Rodriguez Jr High School Alumni 3×3 basketball tournament sa Barangay N.S. Amoranto covered court sa Malaya St. Quezon City.
Sa pangunguna ng magkapatid na Mark and Jeff Caguisa, pinabagsak ng T2000 ang Batch 98, 14-10, para sa kampeonato sa two-day competition na itinaguyod ng ERJHS Alumni Sports Club, sa pangunguna ni Ed Andaya ng Batch 81, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ERJHS 72nd Foundation Day and Grand Alumni Homecoming nung Feb. 23-25.
Napili si Mark Caguisa bilang Most Valuable Player sa kumpetisyon, na sinuportahan din ng ERJHS Alumni Association, sa ilalim nina President Jess Asistin at Vice-President Zeny Castor, at Barangay N.S. Amoranto Chairman Ato de Guzman.
Sa pamumuno ni playing coach Jerome Nell, tinalo din ng T2000 ang Team 80s sa semifinals.
Ang iba pang mga miyembro ng T2000 ay sina Kelvin Pantaleon at Chris Santiago.
Ang Batch 98, na nakaungos naman sa Batch 96 sa semis, ay pinangunahan nina Art Marino, Chris Mallari, John Bucat at Allan Aguilar.
Ang Teams 80s, na pinangunahan nina Mike Gomez, Voltaire Penaga, Adonis Geolin, Rodrigo Sabando at Arnold Tanare, ay nagtapos sa ikatlong puwesto.
Iginawad ni incoming ERJHS alumni president Ramon “Monchie” Ferreros ng Batch 73 ang mga tropeo, katuwang sina Asistin at Andaya.
Ang iba pang mga kalahok na teams ay ang Batch 96, na pumang-apat na pwesto; Batch 2000, Batch 93, Batch 89, Roberto Castor Rover Scouts at Batch 94 A at B.
Si Richard Nell ng Batch 93 ang nagsilbing tournament director, kasama sina kagawad Michael De Castro, Robert Capistrano at Vic De Guzman bilang technical commitee members.
Ang naturang kumpetisyon ay sinuportahan din nina PBA Commissioner Willie Marcial at Deputy Commissioner Eric Castro, Barangay Paang Bundok Chairman Maca Chua, Batch 85 Sports Club president Jo Aldana, Batch 93 head Lizette Mariano, Czyra’s Pizza, Bookizzling Plates ni kagawad Mara Linsangan at Ping Ping Lechon.