Calendar
Valeriano: P20/kilo ng bigas makakamit kung mawawalis korapsiyon sa NFA
SINUSUPORTAHAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang pahayag ng kapwa nito mambabatas na makakamit ang “bente pesos” kada kilo ng bigas na ipinangako ni President Bongbong R. Marcos, Jr. kung malilinis ang talamak na corruption sa National Food Authority (NFA).
Ayon kay Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, sinasang-ayunan nito ang pahayag ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu-Laurel na dapat maisa-ayos ang sistema sa loob ng NFA upang matugunan nito ang mga pangangailangan ng mamamayan.
Sinabi ni Valeriano na tulad ng pahayag ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd Dist. Cong. Joey Sarte Salceda. Kaya umanong matupad ang ipinangako ni Pangulong Marcos, Jr. na bente pesos na presyo ng bigas sa pamamagitan ng paglilinis sa bakuran ng NFA.
Binigyang diin ni Valeriano na dapat munang unahin ang problema ng korapsiyon sa loob ng NFA kung nais ng pamahalaan na matupad ang tinaguriang “campaign promise” ng Pangulo sapagkat malaking pondo ng ahensiya ang napupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal at tauhan ng NFA.
Ipinaliwanag pa ng kongresista na kung tutuusin ay hindi naman kumita ang NFA sa ginawang bentahan ng libo-libong bigas dahil ibibenta aniya ito ng mga tiwaling opisyal at empleyado ng NFA sa paluging halaga. Bagama’t inalok nila ang mga binentang bigas sa isang private company.
Nauna rito, hiniling ni Valeriano kay President Marcos, Jr. na gampanan nito ang pagiging isang “terminator” para sawatain o sugpuin nito ang talamak na korapsiyon sa loob ng NFA na kinasasangkutan ng ilang tauhan nito.
Iginigiit ni Valerianona kailangan sipain o tanggalin ng Pangulo sa puwesto ang mga corrupt officials at empleyado na kumikilos sa loob ng NFA kasunod ng sumambulat na “bigas scam” maliban sa pagsasampa ng kaso laban sa kanila.