Calendar
Kamara, Senado dapat ituloy Charter reform
Sa kabila ng resulta ng Pulse Asia survey
DAPAT umanong ituloy ng Kamara de Representantes at Senado ang pagsusulong ng panukala na amyendahan ang Konstitusyon sa kabila ng pagtutol dito ng mga Pilipino batay sa survey ng Pulse Asia.
Ito ang sinabi ng isa sa mga nagsusulong ng panukalang amyenda na si House Committee on Constitutional Amendments chairman at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.
“The national leadership, beginning with President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., believes that changing the restrictive economic provisions of the Constitution would benefit the country as it would result in more foreign investments coming in,” ani Rodriguez.
Ayon kay Rodriguez inilatag ng business community, mga kasalukuyan at dating opisyal ng gobyerno, mga ekonomista, eksperto at propesyonal sa iba’t ibang larangan ang kahalagahan na maamyendahan ang Saligang Batas.
Layunin ng Resolution of Both Houses No. 7 na inaprubahan ng Kamara na maamyendahan ang economic provisions kaugnay ng public utilities, edukasyon, at advertising upang magkaroon ng kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang limitasyon kaugnay ng pamumuhunan ng mga dayuhan sa mga sektor na ito.
Sinabi ni Rodriguez na hindi sa lahat ng pagkakataon ay popular ang tamang desisyon.
“The right decisions are not always popular,” sabi nito.
Ang pagpigil umano sa pag-usad ng panukalang pag-amyenda ay hindi makatutulong sa bansa, ayon sa mambabatas.
“It would strengthen their perception of the Philippines as urong-sulong when it comes to opening up its economy,” sabi nito.
Inaprubahan ng Kamara ang RBH 7 bago nag-adjourn ang sesyon noong nakaraang buwan. Ang kaparehong panukala sa Senado—ang RBH 6 ay nakasalang naman sa pagtalakay ng subcommittee na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara.
Iginit din ni Rodriguez na ang nais lamang ng Kamara ay maamyendahan ang economic provisions at walang panukala na baguhin ang political provisions ng Saligang Batas.
Ayon sa mambabatas ang pagsama ng mga tanong kaugnay ng political provisions ay maaaring nakapagpagulo sa isipan ng mga Pilipino.
Sinabi ni Rodriguez na ang layunin na baguhin ang economic provisions ay para dumami ang dayuhang mamumuhunan sa bansa na lilikha ng mga trabaho at oportunidad na kumita sa mga Pilipino at mabilis na magpapalakas sa ekonomiya ng bansa.
“We are kulelat in terms of FDIs (foreign direct investments) in ASEAN,” punto nito.
Umapela rin si Rodriguez sa Senado na agad na aprubahan ang RBH 6 sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso ngayong buwan.
“The fate of economic Charter reform is in the hands of our senators,” dagdag pa nito.