Khonghun

‘Gentleman’s agreement’ ni Duterte, China pinaiimbestigahan sa Kamara

Mar Rodriguez Apr 11, 2024
131 Views

SINUPORTAHAN ng isang lider ng Kamara de Representantes ang ginawang pagkondena ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sinasabing “gentleman’s agreement” na pinasok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at China kaugnay ng paglimita ng Pilipinas sa suplay na ipadadala nito sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.

Iminungkahi rin ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun ang pagsasagawa ng Kamara de Representantes ng imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyal na kasunduan.

Ayon kay Khonghun, na kabilang sa tinaguriang “Young Guns” o grupo ng mga masisigasig na batang lider sa Kamara, nakababahala ang umano’y kasunduan dahil maaaring makompromiso rito ang teritoryo at kasarinlan ng Pilipinas.

“The integrity of our nation’s sovereignty cannot be subjected to clandestine agreements that undermine the rights of the Filipino people,” ayon kay Khonghun, na ang kinakatawang distrito ay nakakasakop sa West Philippine Sea.

Ang reaksyon ng mambabatas ay kaugnay ng naging pahayag ni Pangulong Marcos na nakakatakot ang naturang “gentlemen’s agreement.”

Ang umano’y kasunduan ay ginagamit umano ng China upang gamitan ng water canon ang mga bangka na naghahatid ng supply sa mga sundalong nakadestino sa BRP Sierra Madre.

Sinabi pa ni Khonghun na ang pakikiisa ng mga mambabatas sa pagsuporta sa paninindigan ng Pangulo ay nagbibigay diin sa pangangailangan na magkaroon ng transparency at accountability sa mga usaping may kinalaman sa pambansang soberanya at seguridad.

“It is imperative that we shed light on any agreements or arrangements that could potentially compromise our country’s sovereignty and territorial integrity,” giit pa ni Khonghun.

Dagdag pa nito, “The Filipino people deserve to know the truth and hold accountable those responsible for any actions that may jeopardize our national interests.”

Umaasa din si Khonghun na sa pamamagitan ng imbestigasyon ay magkakaroon ng linaw at desididong hakbang upang itaguyod ang interes ng Pilipinas sa WPS.

“The Filipino people are rightfully concerned about the implications of any agreements made in secrecy, particularly when it comes to our territorial sovereignty,” ayon pa kay Khonghun.

“It is our duty as public servants to ensure that their concerns are addressed and that the interests of the Philippines are protected,” dagdag pa ng mambabatas.