Call center agent patay sa gulpi dahil sa nawawalang cellphone

145 Views

PATAY ang call center agent dahil sa gulpi ng apat na magkakamag-anak, kabilang ang dalawang babae, dahil sa nawawalang cellphone sa Quezon City noong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Renz Butlay Rompe, 26, call center agent ng 22 Ipil Interior, Peria Road, Old Balara, Quezon City.

Naaresto ang isa sa mga suspek na si Mylene Adan Trinidad, 26, housewife, ng 130 Livelihood, Talanay Area 3, Brgy. Batasan Hills.

Tinutugis pa ang mga kaanak niya na sina Carolyn Adan, alias Carolyn Montano, 29, cellphone promoter; Cesar Delimos, alias Jhayar Delimos, 30, at John Joseph Trinidad, 29.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-5:30 ng umaga ng maganap ang insidente sa No. 3 Sitio Fatima, Himlayan Road, Brgy. Pasong Tamo, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Nestor V Ariz Jr., sinabi umano ng magkapatid at saksing sina Eliza at Edison Baldoza na nakita nila ang mga suspek na puwersahang pumasok sa naturang bahay.

Pagkapasok, kinompronta ng suspek na si Carolyn ang biktimang si Rompe tungkol sa nawawalang cellular phone.

Nang sabihin ng biktima na wala siyang kinalaman sa isyu, doon na ito pagtulungang bugbugin at paghahampasin ng mga suspek hanggang sa nawalan ito ng malay.

Tumakas ang mga suspek patungo sa hindi malamang destinasyon gamit ang kanilang motorsiklo.

Agad namang humingi ng tulong ang mga nakasaksi sa insidente at naisugod ang biktima sa East Avenue Medical Center pero idineklara na itong dead on arrival dakong alas-6:48 ng umaga, ayon sa attending physician na si Dr. Darwin Monvilla.

Inihahanda na ang kasong murder laban kay Mylene habang tinutugis pa ang mga kasabwat niyang magkakamag-anak.