Flores

Flores : Di dapat gamiting batayan pagkakaroon ng tattoo ng isang pulis

Mar Rodriguez Apr 30, 2024
93 Views

BINIGYANG KATWIRAN ni Bukidnon 2nd Dist. Cong. Jonathan Keith T. Flores na ang pagkakaroon ng “visible tattoo” ng sinomang tauhan ng Philippine National Police (PNP) ay hindi dapat gamiting batayan ng kanilang pagkatao bilang mga pulis taliwas sa paniniwala ng ilang indibiduwal.

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Flores na hindi makatarungan o walang justification kung gagamiting pamantayan ang pagkakaroon ng tattoo ng isang pulis para husgahan ang kaniyang pagkatao sapagkat wala naman itong kinalaman sa kaniyang performance at abilidad bilang pulis.

Muling iginiit ni Flores na isang lumang pananaw ang opinion laban sa mga taong may tattoo lalo na sa hanay ng PNP dahil hindi naman ito maaaring gamitin bilang basehan ng pagiging isang mabuting pulis o suriin sila sa kanilang performance bilang mga pulis dahil lamang mayroon silang tattoo.

“Ang masasabi ko sa isyung ito ay lumang pananaw na ang pag-uugnay ng may tattoo sa isang tao. Being unable to perform the function of a police officer, sa tingin ko kasi eh’ it will not make you a better police officer kung wala kang tattoo. Hindi naman maaapektuhan nito ang pagiging pulis mo,” sabi ni Flores.

Binigyang diin ni Flores na hindi naman maaapektuhan ng kaniyang trabaho ang pagkakaroon ng tattoo ng isang pulis. Dahil ang paglalagay nito ng tattoo sa kaniyang katawan ay maituturing na expression o pagpapahayag lamang ng kaniyang paniniwala, pananampalataya at kultura.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na hindi dapat ituring na isang krimen o masamang gawain ang pagtataglay ng tattoo ng sinomang indibiduwal. Dahil maging ang lalawigan ng Bukidnon na kaniyang kinakatawan ay nagpa-practice ng “tattooing” sa katauhan ng mga indigenous people o mga Manobo tribes.

“Maraming indigenous people sa aming lalawigan ay mayroong tattoo, we have seven indigenous tribes in our province and some of them practices tattooing. So kung may tattoo sila at pagbabawalan silang pumasok sa PNP, this prevents them from applying as policemen,” ayon pa kay Flores.