Valeriano

Valeriano naniniwala na magsasawa ang publiko na manood ng Senate investigation sa kaso ng illegal drugs.

Mar Rodriguez May 7, 2024
104 Views

NANINIWALA si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na hindi maglalaon ay magsasawa na rin ang publiko na tunghayan ang mga testimonya ng dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Jonathan Morales sa isinasagawang Senate investigation.

Sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na hindi malayong dumating sa punto na ang mismong mamamayang Pilipino na ang manghinawa sa patuloy na pandudurog na ginagawa ng ilang grupo laban kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ipinaliwanag ni Valeriano na katulad ng isinasagawang pagdinig ng Senado patungkol sa kasalukuyang kaso ng illegal na droga. Hindi naman aniya nakatuon ang imbestigasyon sa illegal drugs, bagkos nakatutok ang pagdinig kay Pangulong Marcos, Jr. na idinadawit sa ipinagbabawal na gamot.

Dahil dito, iginigiit ng kongresista na dahil maituturing na walang laman at hindi naman napapatunayan ang ibinibigay na testimonya ni Morales sa nasabing Senate investigation laban sa Pangulo. Posibleng dumating sa punto na mawalan narin ng gana ang publiko na subaybayan ang nasabing pagdinig.

“They want to show off and prove what they cannot prove to the public. It has been years that their group has tried to persuade public and distract the President who in his right mind does not dignify the accusers. After their charade in the Senate. The public will be tired to listen to them further,” wika ni Valeriano.

Kinatigan din ni Valeriano ang pananaw ng kapwa nito kongresista na itinuturing na isang “political circus” ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa “PDEA leak” na nag-uugnay kay President Bongbong Marcos, Jr. sa illegal na droga base sa ibinigay na testimony ani Morales.

Ayon kay Valeriano, hindi nito minamasama ang pagsasagawa ng Senado ng pagsisiyasat hinggil sa kaso ng illegal na droga. Subalit makabubuti na ituon nila ang kanilang imbestigasyon sa mga mahahalagang paksa.