Suarez

‘PDEA leak’ probe ng Senado isang political circus – DS Suarez

106 Views

ISANG “political circus” ang tingin ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez sa imbestigasyong isinasagawa ng Senado kaugnay ng “PDEA leak” na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iligal na droga.

Sa isang press briefing, sinabi ni Suarez na iginagalang nito ang desisyon ng Senado na mag-imbestiga subalit makabubuti umano kung mga mahahalagang bagay na lamang ang kanilang pag-uukulan ng atensyon.

“Unang-una para po doon sa Senate hearing, of course we respect the position of the Senate, but sa akin kasi kung hindi nakakatulong sa bansa, bakit pa natin pag-uubusan ng oras at panahon?” ani Suarez, lider ng tinaguriang Young Guns ng Kamara de Representantes.

“Sa akin, this is a mere political circus. I think this is part of a bigger orchestrated destabilization movement against the Marcos administration,” sabi pa nito.

Noong nakaraang linggo, kinuwestyon ng mga miyembro ng Young Guns ang kredibilidad ng dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Jonathan Morales na nagsabing totoo ang report na nag-uugnay kay Pangulong Marcos sa iligal na droga.

Posible rin umano na ang pinalulutang na report ay bahagi ng isang malaking plano para siraan ang administrasyong Marcos.

Pinasinungaligan na rin ng PDEA ang naturang ulat at iginiit na ang mga report ng ahensya ay serialized at hindi na maaaring burahin kapag naipasok na sa kanilang sistema.

“Nakita naman na natin na nag-issue na ng statement ang PDEA. Diniscredit na nila iyong document, wala daw katototohanan iyon. Tapos yung credibility nung hinarap na witness, questionable,” sabi ni Suarez.

Nanawagan si Suarez sa Senado na ang pagtuunan ng pansin ay ang mga bagay na makakapagpabuti sa kalagayan ng mga Pilipino gaya ng pag-amyenda sa Rice Tariffication Law para mapababa ang presyo ng bigas.

“I do hope and I pray to our colleagues in the Senate to focus on issues that have more national significance to the lives of the Filipino people … Why don’t we focus our efforts, our resources, on more important matters such as the Rice Tariffication Law, amending it?” sabi ni Suarez.

“Why don’t we focus our attention in going against those price manipulators, those hoarders, those unscrupulous businessmen behind the increase in rising prices na nagpapahirap sa buhay ng bawat Pilipino?” tanong ng kongresista.

“Bakit hindi natin tutukan yung mga problema na hinaharap ng ating bansa na mas may kinalaman sa pag-angat ng antas ng buhay ng ating mga kababayan?” saad pa nito.