Adiong

Bagong Pilipinas pagtupad sa pangako ni PBBM

108 Views

ANG paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay isa umanong pagtupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pangako nitong pagkakaisa.

Pinasinungalingan din ni Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na pinapabayaan ni Pangulong Marcos ang Mindanao.

“To give you a shorter answer, hindi po totoo yon. Dahil alam po natin ang Presidente sabi ko nga kanina, nung umpisa po siyang nangampanya nung 2022, ang kanya pong slogan talaga ay Unity,” ani Adiong sa isang news conference.

Sinabi ni Adiong na nagsagawa na ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Bukidnon, Sultan Kudarat, Davao de Oro, at Agusan del Norte, at sa Huwebes ay ilulungsad na ito sa Zamboanga at Tawi-Tawi.

“So nakita po natin how the President actualizes the promise (of unity) that he mentioned during the campaign and how he will keep that promise up until the end of his term,” saad pa ng solon.

“From the northern part of Luzon to the southern tip of the Philippines, nakita po natin napuntahan niya ang Luzon at pupuntahan niya po, ang Tawi-Tawi, that’s the farthest island in the Philippines closer to our neighbor in Borneo,” dagdag pa nito.

Ayon kay Adiong itatayo ng administrasyon ang isa sa pinakamahabang tulay sa bansa na mag-uugnay sa Lanao del Norte at Ozamis City upang maging mabilis ang pagbiyahe sa pagitan ng dalawang lugar.

Iginagalang din umano ng Pangulo ang kapayapaan at ang electoral process sa Mindanao.

“He will make sure that in 2025, we will respect the right of the people to elect their choice of leaders. In 2025 come BARMM elections that will be the first election…So, I don’t think it’s fair to say that the President is actually neglecting Mindanao,” ani Adiong.

Sumegunda naman kay Adiong si Manila Rep. Joel Chua na nagsabi na kahit na hindi sinuportahan ng Maynila si Pangulong Marcos noong 2022 elections ay hindi nito pinabayaan ang lungsod.

“Actually, ang City of Manila po, we did not support PBBM during the last election but even though nasa opposite side po kami ay hindi rin po pinabayaan ang City of Manila,” ani Chua.

Ayon pa kay Chua ang Maynila ang isa sa mga unang lokal na pamahalaan na nakinabang sa Cash and Rice Distribution program ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

“So makikita po natin si PBBM at si Speaker Martin Romualdez, wala pong tinitingnan tapos na po iyong eleksyon, ang tinitingnan po nila iyong kapakanan po ng mas nakakarami, lalong-lalo na po ng mga mahihirap,” ani Chua.

Ayon naman kay Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez nakasama ito sa apat na BPSF event.

“Hindi bababa sa isang bilyong piso worth of various programs and projects iyong nai-implement ng mga national government agencies and national government departments…So, all these programs are being flooded to specific provinces and regions, in all areas of our country,” ani Suarez.

Sinabi ni Suarez na walang basehan ang mga alegasyon na pinababayaan ni Pangulong Marcos ang Mindanao.