Valeriano

Screening para sa mga pumapasok ng Tsinong estudyante sa PH suportado ni Valeriano

Mar Rodriguez May 15, 2024
101 Views

SINUSUPORTAHAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang panawagan ng kaniyang kapwa mambabatas na dapat mas lalo pang higpitan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Bureau of Immigration (BI) ang “screening” para sa mga Chinse students na pumapasok sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na masyado na aniyang nakakabahala ang presensiya o pagdagsa ng mga Chinese nationals habang ang iba naman Intsik ay pinipiling mag-aral sa mga kilala at sikat na unibersidad sa bansa.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Valeriano na kinakailangang magpatupad ang gobyerno ng “stringent screening measures” para sa mga pumapasok na Chinese nationals sa Pilipinas sapagkat ang dapat isa-alang-alang sa usaping ito ay ang seguridad ng bansa pati na ang mga mamamayan.

Ayon kay Valeriano, nakataya ang national security ng Pilipinas sa pagdagsa ng mga Chinese nationals sa bansa. Kaya nararapat lamang na hindi magpabaya ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng screening sa tulong ng BI at iba pang ahensiya, aniya.

Ikinatuwiran pa ng kongresista na napakahalaga din na matiyak ng pamahalaan na ang mga Chinese national na pumapasok sa bansa sa pamamagitan ng pagiging “foreign students” ay hindi isang banta sa seguridad ng Pilipinas sa gitna ng nangyayaring iringan sa West Philippines Sea (WPS).

“Dapat mas maging mahigpit ang gobyerno sa pag-screen sa mga Chinese nationals na pumapasok sa Pilipinas. Magtataka ka, bakit dumadagsa sila dito sa Pilipinas, anong meron? Hindi masama kung nag-aaral sila sa Pilipinas. Pero kailangan parin silang dumaan sa mahigpit na screening,” wika ni Valeriano.

Kinatigan din ni Valeriano ang mungkahi ng kaniyang kasamahang kongresista na kinakailangang magkaroon ng “inter-agency collaboration” para matugunan o ma-address ang usapin sa pagdagsa ng mga Chinese nationals.