BBM-Sara

BBM-Sara UniTeam mainit na sinalubong sa Las Piñas

371 Views

MAINIT na sinalubong ng mga taga-Las Piñas ang UniTeam nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte noong Linggo.

Ayon kay UniTeam senatorial candidate Mark Villar naglabasan ang mga taga-lungsod at iniwan ang kani-kanilang bahay upang makita ang motorcade nina Marcos at Duterte.

“Kanina sa caravan, grabe, ewan ko lang kung nakita niyo, pero parang wala nang Las Piñero na naiwan sa bahay. Lahat po ng ating mga kapwa Las Piñero nasa kalsada na kanina, kaya di na ata ko kailangan mag-speech. Mukhang tapos na ang eleksyon kaya hindi na ako magsasalita nang mahaba,” sabi ni Villar na dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH)

Sa sobrang dami ng taong sumalubong ay tumagal ng apat na oras ang motorcade na isasagawa lamang sana sa loob ng isang oras.

Dinagsa rin ng mga taga-suporta ang grand rally ng UniTeam sa The Tent in Global South, Manuyo Dos, Las Piñas City na inorganisa nina Villar, Mayor Imelda Aguilar, Vice Mayor April Aguilar, Rep. Camille Villar, Sen. Cynthia Villar, at dating Senate President Manny Villar, chairperson ng Nacionalista Party (NP).

Si Marcos ay tumatakbo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) samantalang si Duterte ay miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD).

Nagpahayag ng kumpiyansa ang dating kalihim ng DPWH na ipagpapatuloy nina Marcos at Duterte ang Build, Build, Build program na sinimulan ito sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“‘Wag naman sana mawala ang Build, Build, Build program natin, pero alam ko naman hindi na kailangan sabihin dahil tayo po dito alam naman natin tayo ay isang pamilya. Para hindi mawala yung Build, Build, Build natin, kailangan suportahan natin lahat po ng UniTeam, lalo na po si Bongbong Marcos at Sara Duterte,” dagdag pa ng dating DPWH secretary.

Bukod kay Villar, dumalo rin sa pagtitipon ang UniTeam senatorial canddiates na sina Sherwin Gatchalian, Loren Legarda, Migz Zubiri, Harry Roque, Jinggoy Estrada, Larry Gadon, Gibo Teodoro, Gringo Honasan, Rodante Marcoleta, at Robin Padilla.