Calendar
VP SARA DI’ SUMIPOT SA SIGNING CEREMONY PARA SA DAGDAG NA BONUS NG MGA GURO
HINDI sumipot si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa signing ceremony noong Lunes sa Malacañang para sana sa additional bonus ng mga teacher.
Walang ibinigay na dahilan ang tanggapan ni VP Sara kung bakit dinedma nito ang pagsasabatas ng kongreso ng RA 11997 o ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” na nilagdaan ni Pangulong Marcos.
Layon ng batas na madagdagan mula P5,000 at gawing P10,000 na ang annual bonus ng mga guro para pambili nila ng mga gamit sa pagtuturo tulad ng mga chalk, eraser, pentelpen, ballpen, at iba.
Wala ring sagot ang Malacañang sa tanong ng media kung bakit hindi nakadalo si Duterte.
Pero tingin ng ilang mambabatas na ayaw ng magpakilala, galit si VP Sara sa Kongreso dahil sa pag-aalis ng kanyang confidential intelligence fund.
Ayaw na ring magkomento ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez hinggil sa naturang isyu.
Dumalo ang mga senador, sa pangunguna ni Senate President Chiz Escudero, at si Speaker Romualdez kasama ang ilang kongresista sa nasabing okasyon.
Napansin din ng media na isang opisyal lamang ng DepEd ang dumalo sa signing ceremony.