Calendar
Arnold Clavio on the road to recovery matapos ma-stroke
NASA road to recovery na ang veteran broadcast journalist na si Arnold Clavio matapos maospital dahil sa hemorrhagic stroke noong June 11.
Sa kanyang mga Instagram post ay panay ang update ni Igan sa kanyang health status at talagang naka-detalye ang kanyang journey para na rin makatulong sa mga taong tulad niya ang sitwasyon.
Kwento ni Arnold, sinimulan na ang kanyang therapy at sinabihan siya ng doktor na kailangan niya ng six weeks na pahinga at rehabilitation.
“The worst is over, sabi nga ni Dr. Vincent Valencia, cardiologist. Ang sarap pakinggan pero it is not yet over. Mahaba-haba ang laban na ito.
“Ayon kay Dr. Greg Dayrit, neurologist, kailangan ko ng 6 na linggong pahinga, rehabilitasyon at therapy, para manumbalik ang dati kong lakas at kilos,” pagbabahagi ni Igan.
“Dahil sa pagdurugo ng kaliwang bahagi ng aking utak, dulot ng altapresyon, naging mahina ang kanang bahagi ng aking katawan. Sinubukan kong humakbang pero umiikot ang aking paligid at muntik-muntikan ako na mabuwal. Wala pa rin akong balanse,” aniya.
“Kailangan ding maibaba pa ang aking blood pressure at sugar para di na maulit ang pagputok sa aking utak. Kaya sinimulan na rin akong turukan ng insulin at mga gamot sa blood pressure at pagbaba ng cholesterol,” patuloy niya.
At sa latest update ni Igan, ikinuwento niya na sinimulan na rin ang occupational therapy (OT) sa kanya.
“Hindi lang physical therapy ang kailangan para manumbalik sa dati ang lakas ng kanang bahagi ng aking katawan.
“Inirekomenda rin ni Dr. Lyde Alday-Magpantay ang ‘occupational therapy’ (OT),” kwento niya.
“Sa proseso ng OT, sisikapin na maibalik ang sensor o pakiramdam ng aking mga kamay. Dahil sa hemorrhagic stroke, labis na naapektuhan ang aking kanang kamay,” paliwanag ni Igan.
“Sa tulong ni Dave, isang occupational therapist, binigyan niya ako ng mga exercises para bumalik sa normal ang pakiramdam ng aking kanang kamay,” he shared.
Aniya pa, “Kailangan dito ang matinding tiyaga.”
Nagbigay din ng mensahe si Igan sa mga katulad niyang nakaranas ng stroke na sundan na lang ang mga ehersisyong ipinapagawa sa kanya.
“Sa mga nakaranas ng stroke, maaari ninyong sundan ang mga ehersisyo na ipinagawa sa akin para muling bumalik ang sigla ng inyong pangangatawan.
“Sama-sama nating malalagpasan ang pagsubok na ito sa tulong ng inyong mga panalangin at sa makapangyarihan na pangalan ni Hesus. Amen,” saad ng batikang Kapuso broadcaster.