Valeriano

Imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa mga hindi lehitimong POGO, kinatigan ni Valeriano

Mar Rodriguez Jul 9, 2024
104 Views

𝗞𝗜𝗡𝗔𝗧𝗜𝗚𝗔𝗡 𝗻𝗶 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗹𝗮𝗻𝗱𝗼 “𝗖𝗥𝗩” 𝗠. 𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗴𝗶𝗻𝗴 𝗱𝗶𝗿𝗲𝗸𝘁𝗶𝗯𝗮 𝗻𝗶 𝗛𝗼𝘂𝘀𝗲 𝗦𝗽𝗲𝗮𝗸𝗲𝗿 𝗙𝗲𝗿𝗱𝗶𝗻𝗮𝗻𝗱 𝗠𝗮𝗿𝘁𝗶𝗻 𝗚. 𝗥𝗼𝗺𝘂𝗮𝗹𝗱𝗲𝘇 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗺𝗮𝗿𝗮 𝗱𝗲 𝗥𝗲𝗽𝗿𝗲𝘀𝗲𝗻𝘁𝗮𝗻𝘁𝗲𝘀 𝘂𝗽𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗴𝘀𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗶𝘁𝗼 𝗻𝗴 𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗹𝗮𝗹𝗶𝗺 𝗻𝗮 𝗶𝗺𝗯𝗲𝘀𝘁𝗶𝗴𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗸𝗮𝘂𝗴𝗻𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗶𝗯𝗮’𝘁-𝗶𝗯𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗿𝗶𝗺𝗲𝗻 𝗻𝗮 𝗸𝗶𝗻𝗮𝘀𝗮𝘀𝗮𝗻𝗴𝗸𝘂𝘁𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗹𝗲𝗵𝗶𝘁𝗶𝗺𝗼𝗻𝗴 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗢𝗳𝗳𝘀𝗵𝗼𝗿𝗲 𝗚𝗮𝗺𝗶𝗻𝗴 𝗢𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗼𝗿𝘀 (𝗣𝗢𝗚𝗢).

Ayon kay Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, napapanahon na upang magkaroon ng masusing pagsisiyasat ang Kongreso laban sa POGO dahil sa mga malalang krimen na kinasasangkutan nito.

Paliwanag ni Valeriano, bagama’t hindi naman apektado ang mga Pilipino sa mga nangyayaring krimen sapagkat pawang mga Chinese nationals lamang ang mga nagiging biktima nakaka-apekto pa rin ang mga krimeng ito sa imahe at seguridad ng Pilipinas.

Sabi ng kongresista, sino aniyang investor o mamumuhunan ang gaganahang maglagak ng puhunan o kaya’y magtatayo ng negosyo sa Pilipinas kung laganap sa bansa ang iba’t-ibang lrimen na kinasasangkutan ng mga Chinese nationals na konektado sa operasyon ng POGO legal man o illegal.

Ikinababahala ni Valeriano ang patuloy na operasyon ng mga illegal na POGO sa kabila ng mahigpit na regulasyong ipinatutupad ng pamahalaan laban sa illegal na sugal.

Sinabi ng mambabatas na panahon na para magpakita ang gobyerno ng kamay na bakal laban sa POGO sa gitna ng napakahabang panahon na pamamayagpag nito dahil ang seguridad na ng mga mamamayan at ng bansa ang nakataya.

Iginiit din ni Valeriano na napakahalaga din sa isasagawang imbestigasyon ng Kamara de Representantes na mahubaran ng maskara ang mga di-umano’y mastermind at protectors ng mga POGO operators upang sila’y mapapanagot sa ilalim ng batas.

Muling binigyang diin ni Valeriano na hindi isang simpleng krimen ang kinasasangkutan ng mga POGO operators dahil pawang mga malalaking krimen ang nakadikit sa kanila katulad ng money laundering, human trafficking, illegal drugs, murder at marami pang iba.

Two God be the Glory