Senate President Francis Chiz Escudero

Chiz pinaalalahanan si Guo na huwag diktahan ang Senado

69 Views

HUWAG mo kaming turuan.”

Ito ang mensahe ni Senate President Francis Chiz Escudero kay suspendidong Bamban MayorAlice Guo kung saan ay pinaalalahanan niya ito na alam ng mga senador kung ano ang kanilang obligasyon para sa taumbayan at sa bansa.

Sa isang panayam, sinabi ni Escudero na wala sa poder si Guo para diktahan sina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Sherwin Gatchalian.

Ito a matapos sabihin ng mayora na maraming isyu ang kinakaharap ng bansa na dapat mas pag-ukulan ng pansin imbes sa kanya.

Pinaalalahanan si Guo ni Escudero na may sapat na katuwiran at kapangyarihan ang dalawang senador lalo’t ang isyu ng illegal POGO (Philippine Overseas Gaming Operators) ay hindi umano isang ordinaryong pangyayari at kinasangkutan pa ito ng iba’t ibang uri ng kriminalidad tulad ng human trafficking, torturing at marami pang iba na hindi maaaring ipagwalang bahala lamang.

Ani Escudero karapatan ni Guo na sabihin ang kanyang saloobin ngunit karapatan din ng mga senador na gawin ang sa tingin nila ay tama at nararapat ayon sa batas.

“Para sa akin wala siya sa lugar pagsabihan sinumang miyembro ng Senado kung ano ang prayoridad sa isip nila at ano ang dapat nilang hindi maging prayoridad,” giit ni Escudero.

Gayunman, hindi aniya dapat pigilin si Guo upang ibigay ang kanyang katuwiran at ipagtanggol ang kanyang karapatan ngunit hindi aniya mapipigil ang Senado upang ipaglaban ang taumbayan lalo’t kung sa tingin nila ay dapat protektahan ang nakararami nating kababayan.

Si Guo at ang iba pang personalidad na may kinakaharap na warrant of arrest mula sa Senado ay inimbitahan ng makailang beses ngunit inisnab ng mga ito ang Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Hontiveros.

Ikinatuwiran ni Guo na mas bibigyan niya ng prioridad ang kanyang mental health at peace of mind at haharapin na lamang aniya sina Hontiveros at Gatchalian sa tamang forum kung patas na aniya ang magiging labanan at sagutan.

Pinaalalahanan ni Escudero si Guo na hindi niya pwedeng utusan o diktahan ang Senado at mga senador bagamat nirerespeto aniya nila ang karapatan ng mayora ay obligado siyang sumunod ayon sa itinatadhana ng kasalukuyan batas.

Maging ang pag-isyu ng warrant of arrest, ayon kay Escudero ay dumaan sa tamang proseso at may sapat na rason bago ito ginawa.

Si Guo ay nasasangkot sa kontrobersiyal na operasyon ng POGO hub sa Bamban, Tarlac na kamakailan lamang ay ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at ng Criminal Investigation and Detection Group dahil sa mga kriminalidad tulad ng human trafficking, illegal detention, scams, hacking, rape at sexual abuse na kinokonsiderang mga heinous crimes.

Bukod kay Guo ay inorderan din ni Hontiveros sa pamamagitan ng pag aprub ni Escudero ang paghuli sa mga umano’y kapatid ng mayora at magulang na sina Sheila Leal Guo, Wesley Leal Guo, Jian Zhong Guo, Seimen Guo, Wen Yi Lin, gayundin ang accountant na si Dennis Cunanan na pinatupad naman ng Senate Sgt at arms.

“May prinsipyo sa batas na flight is evidence of guilt. Ang kawalan ng kagustuhang sumuko at boluntaryong magpakita at sumagot sa mga simpleng katanungan, bagaman hindi siya pinupwersang umamin, ay pagpapakita lamang na marahil ay mayroon siyang tinatago at may iniiwasan at posibleng merong mga katanungan na ayaw din niyang sagutin,” ani Escudero.