Martin1

Speaker Romualdez, Tingog, DSWD naghatid ng 10,000 food packs, cash aid sa 10,000 pamilya sa Marikina

Mar Rodriguez Jul 26, 2024
72 Views

KABUUANG 10,000 pamilya sa Marikina City, na inilikas bunsod ng pagbaha na idinulot ng Bagyong Carina at Hanging Habagat ang makatatanggap ng tig-P5,000 cash assistance sa susunod na linggo mula sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang mga apektadong residente ay makatatanggap din ng relief packs mula sa tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at mga kinatawan ng Tingog Partylist na sina Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre, at DSWD sa tulong ng tanggapan ni Marikina City Rep. Stella Quimbo.

“Nagtala ang Marikina City ng pinakamaraming evacuees sa pagbaha sanhi ng Typhoon Carina. At hangad ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ipadama sa inyo na ang pamahalaan ay handang tumulong sa oras ng kalamidad,” ani Speaker Romualdez.

“Sana ay makatulong ang mga food packs na ito at ang ayudang galing sa AKAP na programa ng administrasyong Marcos. Inaayos na po ang AKAP at matatanggap ito sa susunod na linggo. Taos-puso po kaming nakikisimpatiya sa inyong kalagayan ngayon,” ayon pa sa pinuno ng Kamara de Representantes na may higit sa 300 kinatawan.

Ayon sa ulat, ang Marikina City ang may pinakamaraming bilang ng mga inilikas sa kasagsagan ng Habagat na pinalakas ng Bagyong Carina. Umabot ito sa 31,128 indibidwal, mas marami pa kumpara sa halos 9,000 katao na inilikas noong 2009 ng manalasa ang Bagyong Ondoy.

Sa pamamagitan ng Tingog Mobile Kitchen, namahagi rin ang Tingog Partylist at ang Office of the Speaker ng mga maiinit na pagkain sa Brgy. Malanday at Brgy. Jesus Dela Peña sa lungsod noong Hulyo 24 sa pangunguna ni Rep. Acidre.

Ang Metro Manila, kabilang ang Lungsod ng Marikina, ay isinailalim sa state of calamity dulot ng malalakas na pag-ulan at baha.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang kanyang opisina kasama ang tanggapan ng iba pang mga miyembro ng Kamara ay gumagawa ng mga hakbang upang makapagpadala ng tulong sa mga biktima ng kalamidad.

“Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin naaabot ang mga kailangan tulungan. Ito ang esensya ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Marcos, ang walang maiiwan sa serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan,” sabi ni Speaker Romualdez.