Chavit Luis ‘Chavit’ Singson and Carlos Yulo

Chavit kay Caloy: Ipakita mo na role model ka

Eugene Asis Aug 21, 2024
70 Views

HINDI pa pala natatanggap ni Paris Olympic double gold medalist Carlos Yulo ang P5 million mula kay dating Ilocos Sur Gov. Luis ‘Chavit’ Singson. Tinatawag niya itong incentive sa pakikipag-ayos sana ni Carlos sa kanyang pamilya.

“Ipakita mo na role model ka,” mensahe ni Chavit kay Carlos nang makausap ng entertainment media sa grand opening ng 11th Philippine branch ng bbq Chicken resto (sikat sa South Koirea) sa Festival Mall, Alabang noong Lunes.

Nakausap na ni Chavit ang pamilya ni Carlos. “Sampu lahat sila. Nanay, tatay niya, mga kapatid niya. ‘Di na raw nila makontak. So nakiusap ako kay Caloy kung marinig man niya, pamilya mo muna dahil wala ka naman dyan kung hindi sa kanila. So ako, hindi sa nakuha mong gold kako, ‘yung ibibigay kong 5 milyon dagdag lang sa pamilya n’yo, sa’yo rin. Pero gusto kong magbati silang pamilya,” paliwanag pa ni Mr. Singson.

Para kay Chavit, dapat ipakita ni Carlos bilang isang idolo na mahalaga ang pamilya. “Nakikiusap ako kay Caloy na ipakita niya na ngayon champion siya, naka-gold, ipakita niya na siya ang ano, role model, of the family. Eh, ‘di maganda ‘yung pinapakita niya kung hindi siya makipag-reconcile sa pamilya,” dagdag pa ng dating gobernador.

Kilalang tagasuporta ng mga atletang Pinoy si Chavit tulad sa world boxing champ na si Manny Pacquiao. Payo raw niya kay Caloy: “Kung anuman ang nangyari sa kanila, kalimutan na niya. Nasa sampung bilin ‘yon ng Diyos, respect thy father and thy mother.”

Samantala, nagsalita rin si Manong Chavit tungkol sa kontrobersya sa animal maltreatment nang nag-viral ang isang video ng lion na sinasampal ng care taker para magising at maka-selfie ng mga namamasyal sa kanyang Baluarte Zoo.

“Hindi naman totoo ‘yun. Ang lion mukhang inaantok kasi talagang puyat ‘yang mga ‘yan ‘pag gabi sumisigaw, nagsisigawan sila. Kaya talagang inaantok ‘yung mga lion. Pero ‘yung lalaki na sabi nila na sinampal niya, pinatanggal ko agad. Hindi lang isa ‘yun mortal sin sa Baluarte, sa akin ‘yan kapag may nag maltrato ng [hayop]. Sabi niya laro lang naman nya ‘yun. Hindi naman niya sinaktan.”

Kamusta ang iba pang mga alagang hayop doon?

“Mabuti naman lahat sila. Awa ng Diyos wala pang kinakain na tao,” sabay tawa nito.

Ni-repost ng aktres na si Nadine Lustre sa kanyang Instagram ang post ng animal rights group na Animal Kingdom Foundation (AKF) na umalma sa hindi raw magandang pagtrato sa lion. “You probably don’t know this but most of the time, big animals in zoos are drugged or physically threatened so they stay calm enough so people can take photos with them,” caption ni Nadine sa IG.

Ayon pa sa aktres ay mas magiging masaya ang mga hayop kung nasa labas at hindi ginagawang entertainment.

Samantala, kumusta na ang ikinuwento niyang iko-co-produce niyang South Korean series na Vagabond 2? “Tutuloy ‘yun, Vagabond.”

Ito ay kahit daw busy si Bae Suzy.

“Mahaba naman ‘yung istorya nun eh so kung busy ‘yung babae meron namang iba dyan or hintayin nila. Marami namang ibang gagawin pa sa istorya.”

Ayon sa kanya, inaayos lamang ang istorya para mas lalo pa itong mapaganda. Dito sa Pilipinas, hindi lang sa Ilocos Sur, kukunan ang serye kasama ang ilang Pinoy actors.

“Kasi ang ano roon kailangan kumpleto eh para tuluy-tuloy ‘yung shooting. Hindi kagaya nung walang istorya, hindi alam saan pupunta. Kaya maingat sila dahil maganda ‘yung nangyari, tapos pangit ‘yung karugtong kaya ginagawan nila ng istoryang maganda.”

Kausap na rin daw niya ang South Korean-American actor na si Ma Dong Seok na gagawa rin daw ng pelikula sa bansa. “Tapos may isa pang popular actor in Korea gagawa rin ng pelikula rito. At meron ding (taga)Hollywood na pupunta rito. Dito rin gagawin. Ayun kino-contact ko lahat para sa ating bansa,” pagmamalaki niya.

Samantala, target ng pamilya Singson na makapagtayo ng 300 bbq Chicken restaurants sa iba’t ibang bahagi ng bansa, sabi ng mga anak ni Manong Chavit na sina Rep. Richelle at Carlene na siyang naguna sa ribbon cutting. (Late na kasi dumating si Manong Chavit). Sa totoo lang, masarap talaga ang pagkain sa bbq Chicken na isang sikat na chicken restaurant sa South Korea at na-feature pa sa hit series na ‘Crash Landing on You.’