DA Source: Department of Agriculture

DA namahagi ng rice mill drer sa Jaen, Guimba

Cory Martinez Aug 30, 2024
92 Views

MAHIGIT sa P135.8 milyong halaga ng postharvest facilities at financial assistance ang ibinahagi ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka sa dalawang bayan sa Nueva Ecija.

Pinangunahan ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang pamamahagi ng mga rice mill at dryer sa dalawang kooperatiba sa Jaen at Guimba. Aabot sa 344 magsasaka ang makikinabang sa tulong ng DA na may lupang sinasaka na 476 ektarya.

Galing sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) ang mga naturang pasilidad. Ang PhilMech ang pangunahing ahensya ng DA para Rice Competitiveness and Enhancement Fund Mechanization Program.

Bukod kay Tiu Laurel, kasama din sa pamamahagi ng mga pasilidad sina Congresswoman Mikaela Angela Suansing, Nueva Ecija Acting Governor Emmanuel Antonio M. Umali at iba pang kinatawan ng lokal na pamahalaan, at kinatawan ni Senator Cynthia Villar, chair ng Senate Committee on Agriculture at principal author ng Tariffication Law.

Pinangungunahan ni Villar sa Kongreso ang pagsisikap na mapalawig pa ang pagpapatupad ng naturang batas upang mapabuti pa ang produksyon at kita ng mga magsasaka ng bigas.

“The government is giving back to farmers what is due them and with the help of our legislators we could provide rice producers more assistance to enhance their competitiveness through the extension of the Rice Tariffication Law,” ani Tiu Laurel.

Plano din ng kalihim na magdagdag pa ng irigasyon, post harvest facility at iba pang istraktura na makakatulong sa paglaki ng produksyon, pagbaba sa halaga ng produkto at lalaki ang kita ng mga magsasaka habang sinisiguro ang food security ng bansa.

Sa Jaen, binigyan ng DA at PhilMech ang Pakul Primary Multi-purpose Cooperative ng isang rice processing system II na nagkakahalaga ng P53.6-milyon.

Makakakuha rin ang kooperatiba ng isang recirculating dryer na may 12-ton per batch drying capacity at isang recirculating dryer na may 6-ton per batch drying capacity na gawa sa stainless steel at may dalawang heating systems, generator set, tools, at ibang accessory.

Nagkakahalaga ang mga dryer na ito na P7.06 milyon.

Samantala sa Guimba, nagbigay ang DA at PhilMech sa Cooperative Enterprise for True Economic Reform ng parehong rice processing system II na nagkakahalaga ng P48.58 milyon at tatlong 12-ton recirculating dryers na may halagang P11.71 milyon.

Mayroong 172 magsasakang miyembro ang naturang kooperatiba na namamahala ng kabuuang 238 ektarya ng rice field.